Mayor Panaligan, kinilala ang napakalaking ambag ng real estate service sa kaunlaran

POSTED: Wednesday, November 26th, 2014

CALAPAN CITY – Hindi matatawaran ang napakalaking ambag at napakahalagang papel ng real estate service sa pagsulong ng kaunlaran, partikular sa ekonomiya at pagbibigay ng hanapbuhay sa ating bansa.

 

Ito ang paglalarawan ni Calapan City Mayor Arnan C. Panaligan sa real estate service sector kasabay ng pagkilala niya sa laki ng naiambag o nagawa nito partikular sa pagsusulong ng ekonomiya at kaayusan ng lungsod ang Calapan at ng buong lalawigan ng Oriental Mindoro.

Sa pagsasalita ni Mayor Panaligan bilang guest speaker sa investiture ng mga bagong opisyal at pagtatatag ng Oriental Mindoro chapter ng PhilRES o Philippine Institute of Real Estate Service Practitioners nitong Nobyembre 13 na ginanap sa Filipiniana Resort Complex dito, binigyang-diin niya ang napakalaking kontribusyon ng real estate service sa ating bayan lalo na sa pambansang ekonomiya.

Ayon sa kanya, sa 57% na partikular na ambag sa itinaas ng national economy ng services sector sa nakalipas na taon, 11% umano dito ay nanggaling sa real estate service, isang propesyon o grupo ng mga taong may kinalaman sa bentahan ng lupa at pagpaplano ng kaunlaran nito.

Sinabi pa ng punong-lungsod na sa pagsulong ng real estate, maraming hanapbuhay at trabaho ang nagawa, at nakatulong pa ito sa pagpaplano ng kaunlaran ng mga kalunsuran o urban planning.

Partikular na binanggit ni Panaligan, bilang patunay ng kaunlaran ng real estate, ang pagkakagawa ng batas kaugnay dito – ang RESA Law of 2009 o Republic Act No. 9646 (Real Estate Service Act) na pangunahing binalangkas bilang main author sa nakaraang Kongreso ni dating Oriental Mindoro First District Congressman Rodolfo G. Valencia.

Dahil dito, ayon sa Calapan City mayor, nararapat lamang na bigyang kredito ang nasabing batas bilang “Valencia Law,” na isang pagkilala sa may akda nitong si ex-Representative Valencia, na siya ngayong national president ng PhilRES.

Bilang pagtatapos, idineklara ni Panaligan na sa mga susunod na opisyal na urban o master planning na pangungunahan ng Pamahalaang Lungsod, ima-mandato niya na lagi nang may kasama ditong lisensyadong real estate broker-developer na opisyal na miyembro ng PhilRES.( Ni JUANCHO R. MAHUSAY)

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*