‘Oplan Undas Ligtas,’ kasado na para sa Araw ng Kaluluwa

POSTED: Thursday, November 6th, 2014

 

CPSD at Iba pang konsernadong ahensya, naka-full alert na!

 

Opisyal nang ikinasa nitong Oktubre 25 sa Calapan City ang “Oplan Undas Ligtas” o “Oplan Kaluluwa 2014” bilang preparasyon sa paggunita ng Araw ng mga Patay.

Bago pa man ang pag-arangakada ng nasabing oplan, isang pagpupulong ang inorganisa ng Philippine Ports Authority-Calapan na pinangunahan ni Port of Police Supt. Emmanuel Peña na idinaos sa conference room ng nasabing pantalan.

Personal na dumalo at nakiisa sa pagpupulong ang mga opisyales at kinatawan ng mga konsernadong ahensya gaya ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Public Safety Department, Philippine National Red Cross, Bureau of Fire Protection, Provincial Health Department, CALSEDECO, PTB Operator, mga non-government organizations, transport group, Highway Patrol Group, Agriculture, mga barangay officials sa malapit sa paligid ng Port Zone at mga kinatwan ng iba’t ibang shipping lines.

Bagama’t taun-taong ikinakasa ang nasabing oplan sa tuwing sasapit at gugunitain ang undas, inisa-isa pa rin ang mga nararapat na paghahanda at mga posibleng maging suliranin sa pagpasok higit sa inaasahang bultong paglabas ng mga pasahero at byahero.

Sa pagpupulong, napagakisahan na muling ipatutupad ang numbering system para sa mga byahero o Rolling Cargo base na rin sa naging suhestyon ni Calapan City PNP Chief P/Supt Glicerio Cansilao upang maging epektibo at sistematikong daloy ng trapiko sa tuwing sasapit ang peak season.

Ipinaabot naman ng lahat ang kanilang pakikiisa kung saan bawat ahensya ay may kani-kanilang itatalagang kawani sa help desk sa pantalan ng Calapan para na rin sa agarang pagtugon sa anumang pangangailangan ng mga pasaherong papasok at lalabas ng Calapan Port.

Binigyang puntos rin ang sapat na bilang ng mga barko ng iba’t ibang Shippling Lines kung saan ilang karagdagang barko pa ang asahang magbibigay ng mabilis at kombinyenteng paglalayag sa mga pasahero idagdag pa ang karagdagang mga sasakyan o Public Utility Vehicles.

Bagama’t may mga nakatalagang kawani sa pier, patuloy pa rin ang paglilibot ng City Public Safety Department gayundin ang paalala ng mga kapulisan sa lahat ng magtutungo sa mga sementeryo sa lungsod na iwasan na ang pagdadala ng anumang mga patalim na bagay at mga alak dahil mahigpit itong ipagbabawal at kukumpiskahin upang masiguro ang maayos at tahimik na kapaligiran sa loob at labas ng mga kamposanto.

Samantala, nakahanda naman ang lahat higit ang Pamahalaang Lungsod sa panahong kinakailangan ang serbisyo o sa mga di inaasahang pagkakataon gaya ng bagyo kung saan may mandato ng inilaan para dito si City Mayor Arnan C. Panaligan. Patuloy namang aarangakada ang Oplan Kaluluwa 2014 hanggang sa ika-4 ng Nobyembre na inaasahang dadagsa ang libu-libong pasaherong lalabas ng pantalan.

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*