JAO para sa mas pinaigting na mga batas trapiko

POSTED: Thursday, November 6th, 2014

Pormal na inilabas ng Department of Transportation and Communication (DOTC) noong ika-2 ng Hunyo 2014 ang Joint Administrative Order No. 2014-01 “Revised schedule of fines and penalties for violation of Laws, Rules and Regulations Governing Land Transportation.”

Layunin nito na mas paigtingin pa ang implementasyon sa mga patakaran at pagtataas ng kaukulang multa sa bawat paglabag sa batas trapiko. Tumaas ng halos 150% ang mga multa sa bawat paglabag tulad halimbawa ng Driving without a valid driver’s license na may kaukulang multa na P3,000 mula sa dating P1,500 at sa Driving of an unregistered motor vehicle na mula sa dating multa na P4,000 ay ginawa na itong P10,000.

Umaabot naman sa P1 milyong piso ang kaukulang multa para sa mga bus na mapapatunayang “colorum” sa iba’t ibang sirkumstansya.

Sa ilalim pa rin ng JAO ay may P5,000 ang ipapataw na multa para sa Unauthorized motor vehicle modifications kasama na dito ang matagal ng inirereklamo ng marami na maingay na tambutso o open pipe.

 

Sa Lungsod ng Calapan ay sinimulan na ng kapulisan sa pangunguna ni Police Inspector Ed Lim, Calapan City Traffic Officer, ang mas pinaigting na information campaign upang ipabatid sa mga motorista ang mga nilalaman ng JAO at mga probisyon nito.

Samantala, sa isang panayam kay Merwyn Quitain, LTO MIMAROPA Division Chief, lubha aniyang malaki ang mga ipapataw na multa sa bawat paglabag at natitiyak na ito ay dagdag pasanin para sa mga mahuhuli kung kaya mas mainam umano na sundin na lamang kung ano ang mga nakatadhana sa batas upang maiwasan ang malaking perwisyo.

Dagdag pa ni Quitain sa anumang paglabag ay may kaukulang Temporary Operator’s Permit (TOP) na ibinibigay ang Deputized Apprehending Officer ng LTO na pwedeng gamitin sa loob ng 72 hours subalit kung sakaling mabigo ang driver na mabayaran ang kaukulang multa sa loob ng 30 days mula sa araw ng pagkakahuli nito ay ipapataw naman ang automatic suspension ng driver’s license. (Ni Junard Acapulco)

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*