Calapan City, tinanghal na ‘Hall of Famer’ sa pagiging Business-Friendly City sa bansa

POSTED: Thursday, November 6th, 2014

 

Sa ikatlong sunud-sunod na pagkakataon, muling tinanghal ang Lungsod ng Calapan bilang isa sa mga “Business-Friendly Cities” sa bansa. At dahil dito, iniluklok na ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang Calapan City bilang “Hall of Famer” sa nasabing kategorya.

 

Ang naturang parangal, na ikatlong sunod na taon na nakamit ng Calapan, at pagkakaluklok nito sa “Hall of Fame” ng mga business-friendly cities sa buong bansa ay pinagtibay ng isang liham mula sa PCCI na ipinadala sa Pamahalaang Lungsod nitong Oktubre 15.

Nitong Oktubre 24, personal na tinanggap Mayor Arnan C. Panaligan ang parangal sa ginanap na awarding ceremony ng PCCI sa Manila Hotel kung saan kasama niyang tumanggap ang mga itinalagang opisyales ng iba’t ibang departamento ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan gaya nina City Administratror Atty. Adel C. Abas, Mr. Ronald G. Panaligan, Arch. Elmer C. Villas, Engr. Benjamin L. Acedera, Engr. Redentor Reyes, Jr., Ms. Neneth Ramirez, Mr. Edgardo C. Basilan, Mr. Ronald F. Cantos, Mr. Alexis Libre, EnP. Amormio CJS Benter, Mr. Manuel M. Ilagan, Jr., Dr. Basilisa M. LLanto, Atty. Edelberto C. Bunquin, Mr. Christian E. Gaud, Dr. Eder Apolinar M. Redublo at City Councilor Jocy Neria, na naging kabahagi ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng mga programa ng siyudad.

Sa isang mensahe ni Mayor Arnan, sinabi niya na ang mabilis, simple at sistematikong proseso sa renewal at pagkuha ng business permit, mababang tax rate, mga infrastructure facilities gaya ng komunikasyon at enerhiya, skilled manpower or laborer, transparency at good governance ng lungsod ang nagpa-angat sa Calapan City upang makuha ang nasabing titulo. Buong pasasalamat din ang ipinaabot ng alkalde sa lahat ng kawani ng Pamahalaang Lungsod dahil sa karangalang nakamit, at asahan pa umano na mas pag-iibayuhin ang patuloy na pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo ng Pamahalaang Lungsod sa mga negosyante o mamumuhunan sa siyudad ng Calapan.

“Ang pakikipag-deal sa local government ay napakalaking bagay sa isang negosyante.” Ito naman ang sambit ni PCCI Oriental Mindoro Chapter President na si Engr. Benjamin Cacha sa panayam ng City Information Office (Print & Broadcast Division) kung malaking bagay aniya para sa kanilang sektor ang nakamit na parangal ng Calapan City, na tanghaling isang Hall of Famer sa kategoryang Business-Friendly City. Sanhi aniya ito ng magandang ugnayan ng mga mamumuhunan at ng pamahalaan kung saan malaking adbentahe umano ng lungsod ang pagkakaroon ng disiplinadong mamamayan at ang mabilis at kombinyenteng pagpo-proseso ng kaukulang mga dokumento gaya ng business permit sa city hall gayundin ang pagkakaisa na ayon kay Cacha, dapat na mapanatili upang magdulot ng higit pang pag-angat ng komersyo sa lungsod.

Pinuri rin ng opisyal ang masiglang ekonomiya sa siyudad gaya ng pagsigla ng banking industry na ngayo’y tinatayang nasa 39 na base sa pinakahuling datos ng Licensing Section ng city government, gayundin ang pagiging solo winner ng Calapan ngayong taon sa naturang karangalan dahil noong mga nagdaang taon ay may ka-tie ang lungsod sa nasabing parangal, na magpapatunay umano sa magandang ekonomiya ng nasabing lungsod.

Taong 2009 ng unang lumahok ang Calapan City sa prestihiyosong patimpalak ng PCCI sa pagiging Business Friendly Cities sa bansa kung saan, sa loob ng tatlong taong pakikipagtunggali sa iba pang siyudad sa Pilipinas taong 2012 nang unang makamit ng lungsod ang nasabing parangal. Nasundan pa ng mga sumunod na taon ang pagiging isa sa mga business-friendly cities nito at ito ngang taong ito, nalagay na sa Hall of Fame ang Calapan City dahil sa pagkakamit sa 2014 Most Business-Friendly Cities LGU Award.

Sa islogan na “What’s Good for the Citizenry is Good for Business” ng PCCI, pinatunayan ng Pamahalaang Lungsod ang pagkakaroon nito ng magandang pamamahala upang ipakilala ang mahusay na kalakalan sa pamamagitan ng innovative, streamlined and sound business licensing procedures; quality management at system innovation at ang effective investment promotion activities.

Sa panayam naman kay City Trade and Industry Officer EnP. Amormio CJS Benter, nalaman na ngayong taon naging katunggali ng Calapan City sa Level 3 Category Business Friendly Cities ang Laoag City, Vigan City, Mati City, San Fernando, La Union at Candon City kung saan, matapos ang isinagawang deliberasyon at masusing pag-aaral sa pagitan ng mga respetadong hurado, naging adbentahe ni Mayor Panaligan upang masungkit ang nasabing parangal ang maganda nitong programa, pagtugon ng Pamahalaang Lungsod sa aspetong pangangalaga sa kalikasan at kahandaan kontra kalamidad, bukod pa ang naging pag-angat ng ekonomiya sa Calapan sa pamamagitan ng investment incentives, management service, ISO certificate at partnership sa iba’t ibang sektor.

Sa ilalim ng Republic Act No. 8475 nang ma-convert ang Calapan sa pagiging isang ganap na siyudad mula munisipalidad, taong 1998 na noo’y pinamamahalaan ng huli at unang alkalde ng bayan at lungsod na si Mayor Arnan C. Panaligan, at sa muling pagbabalik at termino ay panibagong tatak na naman ang inihatid ng opisyal sa pagkakahirang ng Calapan City sa pinakamataas na parangal na makakamit ng isang lungsod sa kasalukuyang kategorya nito bilang isang 3rd class city alinsunod na rin sa re-classification order na ibinaba ng Department of Finance na D.O. No. 23-08 dated July 29, 2005 na nagtatakda ng bagong Income Brackets para sa LGU. Mula sa pagiging 4th class city nito taong 2007 ay na-reclassify ang Calapan City sa 3rd Class City noong taong 2010 dahil sa Average Annual Income ng siyudad na P240 milyon pataas pero hindi bababa ng P320M, base na rin sa income bracket na inilaan ng ahensya.

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*