Tubig mula sa CWDC, ipinasusuri sa DOH

POSTED: Friday, August 22nd, 2014

Serbisyo, kalidad ng tubig kinukuwestyon


Desidido ang Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pangunguna ni Mayor Arnan C. Panaligan, katuwang ang Sangguniang Panlungsod (SP), na pinangungunahan naman ni Vice-Mayor at SP Presiding Officer C. Voltaire “Bong” Brucal, na kalampagin ang Calapan Waterworks Development Corporation (CWDC) hinggil sa mga reklamo ng mga konsyumer sa serbisyo ng tubig sa lungsod sa kabila ng mataas na singil dito.


Sa kabila ng maraming reklamo kaugnay sa nasabing isyu ng tubig sa Calapan, mariing sinabi ni Mayor Panaligan kamakailan na anumang panibagong aplikasyon sa pagtataas ng singil sa serbisyo ng tubig ng CWDC, na pag-aari ng negosyanteng si Jolly Ting, ay matinding haharangan ng kasalukuyang administrasyon, pati na rin ang nakatakdang pagpapalawak ng sakop ng pagkukunan ng tubig ng nasabing kumpanya.

 

Matatandaang nakuhang magtaas ng taripa sa tubig ng CWDC matapos aprubahan ng National Water Resources Bpard (NWRB) ang petisyon nito sa pagtataas ng singil sa serbisyo nito bago pa ang muling panunungkulan ni Mayor Panaligan. Idinahilan ng NWRB na walang naging pagtutol sa petisyon ang nakaraang Sangguniang Panlungsod at administrasyon ng pamahalaang lungsod, kung kaya’t nag-desisyon ito na pahintulutan ang pagtataas sa singil ng CWDC.

 

Sa panayam sa radyo kay Mayor Panaligan sinabi niya na kanya nang inatasan ang Department of Health (DOH) na suriin ang inirereklamong maruming tubig na isinusuplay mula sa pipeline at gripo ng CWDC. Ito ay upang masiguro kung kontaminado o hindi ang tubig na inirereklamo ng mga konsyumer.

 

Nais masiguro ng punong ehekutibo ang kaligatsan gayundin ang kalusugan ng mga mamamayan sa lungsod mula sa tubig ng naturang kumpanya.

 

Ito ay matapos ang privilege speech ni City Councilor Lorybelle Tanyag noong Hulyo 8 sa regular na sesyon ng SP na kung saan ipinahayag nito ang pagkadismaya sa serbisyo ng CWDC.

 

Ayon kay Konsehal Tanyag, lubhang nakakaalarma ang dumi ng tubig na siniserbisyo ng CWDC sa kanilang consumers sa kabila ng pagtaas ng singil ng nasabing kumpanya. Aniya, marami nang mga grupo at indibidwal ang dumulog sa kanya na nakararanas ng parehong problema sa duming tubig sa kanilang lugar. Ang mga reklamong ito ang nagbunsod kay Konsehal Tanyag na pag-aralan ang desisyon ng National Water Resources Board (NWRB) na aprubahan ang aplikasyon ng CWDC na magtaas ng water rates noong 2010 at ang Certificate of Public Convenience (CPC) na ibinigay dito noong Enero 2014.

 

Sa ginawa niyang pag-aaral sa nasabing desisyon, natuklasan ni Konsehal Tanyag na tila walang katotohanan ang ilang basehan ng NWRB sa pag-apruba ng taas ng singil ng tubig ng CWDC. Ito ang tinalakay sa committee hearing na ipinatawag noong Hulyo 15 ng Committee on Transportation, Communications and Public Utilites sa pangunguna ng chairman nito na si City Councilor Asel Agua na dinaluhan naman ng halos lahat ng miyembrong SP kabilang na si Vice Brucal.

 

Una umano sa nakikitang paglabag ng CWDC ay ang kawalan ng elevated water reservoir. Nakapaloob sa desisyon ng NWRB na ayon sa kanilang pag-iinspeksyon, ang lahat ng deep wells ng CWDC ay konektado sa cistern tank na kung saan ang tubig ay dadaan sa isang elevated water reservoir patungo sa mga konsyumer.

 

Ayon kay Konsehal Tanyag, mukhang wala itong katotohanan sapagkat ayon sa kanyang pag-iimbestiga, walang ginagamit na elevated water reservoir ang CWDC sa kanilang operasyon. Sinabi pa ng konsehal na kailangan pang higit na pag-aralan kung ano ang epekto ng kawalan ng reservoir na ito ngunit ang kailangang dagliang bigyan ng pansin ay walang katotohanang nilalaman ng desisyon ng NWRB na maaaring gamitin sa muling paglaban sa mataas na singil ng tubig.
Isa pa sa dapat pagtuunan ng pansin ay kung sumusunod ang CWDC sa Modified Rules and Regulations ng kanilang Certificate of Public Convenience. Nakapaloob dito na dapat chlorinated ang kanilang tubig at kinakailangan din silang magsumite ng buwanang resulta ng test ng kanilang tubig upang masiguro na ito ay ligtas gamitin at inumin ng mga consumers.

 

Ayon kay City Health Officer Dra. Basilisa Llanto na dumalo sa nasabing committee hearing, ang ibinigay na Certificate of Potability ng City Health Services Department (CHSD) sa Calapan Waterworks ay para sa taunang water testing lamang na dapat sana ay ginagawa buwan-buwan. Ipinahayag pa ni Dra. Llanto na mahalagang requirement din para sa mga water providers tulad ng CWDC na chlorinated ang tubig upang masigurong ito ay malinis at ligtas sa anumang bacteria. Nalaman naman ng SP na walang kakayahan ang City Government na magpatayo ng water testing facilities dito sa lungsod bunsod ng napakalaking pondo na kakailanganin para dito kung kaya’t sa Batangas pa dinadala ang tubig para maipasuri.

 

Ibinunyag din ng doktora na ang tubig na ipinapasuri ng CWDC ay iyung mula lamang sa water source at hindi yung nagmula sa mga gripo ng consumers higit sa lahat yung pinakamalayong serbisyo nito. Maaaring magkaiba ang resulta ng mga ito kung ipapasuri.
Kaugnay din dito, pinaiimbestigahan ng SP ang ginagawang klasipikasyon ng CWDC ng residential at commercial consumers nito. Ayon sa pagaaral ni Konsehal Tanyag sa Premier of Tariff Setting and Regulation ng NWRB, nakapaloob dito na kahit ang isang establisimyento ay may negosyo at business permit, ito ay hindi dapat ituring na commercial kung ang konsumo nito ay katulad lamang ng isang residential. Ibig sabihin lamang nito, ayon kay Konsehal Tanyag, ang mga maliliit na business establishments na kumukonsumo lamang ng katulad sa isang regular na household ay dapat residential ang klasipikasyon, taliwas sa ginagawa ng CWDC na pagsingil ng commercial rates na lubhang mas malaki ang iminahal.
Sa ginanap na committee hearing, nagkaisa ang mga miyembro ng SP na gawin ang lahat ng legal na hakbang para obligahin ang CWDC na ayusin ang kanilang serbisyo at muling pababain ang taripa ng tubig. Ipinangako ng mga konsehal na wala silang sasayanging panahon at agarang aaksiyunan ang bagay na ito. (CIO-Print & Broadcast Division)

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*