Pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa pamilihang lungsod, siniguro, tulong sa mga manininda dito mas pinalawig

POSTED: Friday, August 22nd, 2014

Upang mapanatili ng kaayusan at kalinisan sa Pamilihang Lungsod ng Calapan, patuloy ang pag-arangkada ng cleanest and orderly market section dito sa pag-oorganisa ng Economic Enterprise Management sa pamumuno ni Manager Ronald Cantos.

Ang patimpalak ay isang taong paligsahan kung saan magtutunggali ang lahat ng seksyon ng pampublikong pamilihan ng lungsod sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng bawat market seksyon, magalang na pakikitungo sa mga mamimili, disiplinadong pag-uugali ng mga manininda, pagpapamalas ng positibong kultura ng pagtitinda at walang atubiling pagsunod sa mga ipinagbabawal sa pamilihang lungsod gaya ng paninigarilyo, pagsusugal at iba pang ipinagbabawal sa pamilihang lungsod.

Tuwing ika-tatlong buwan gaganapin ang pagkilala sa pinaka-malinis at pinaka-maayos na market section. Kikilalanin naman sa mga buwan ng Abril, Hulyo at Oktubre ang pinakamalinis at pinakamaayos na section. Tatanggap ng karampatang halaga mula P3,000.00 hanggang P10,000.00 bilang premyo ang nagwaging market section.

Sa darating na Disyembre 2014, pararangalan ang nanguna sa nasabing patimpalak sa loob ng buong taon. Tatanggap ng karampatang halaga bilang premyo ang una, ikalawa at ikatlong pinakamalinis at pinakamaayos na market section.

Bilang tulong naman ng Administrasyong Panaligan sa mga manininda sa pamilihang lungsod ng Calapan, umiiral na ngayon ang pagbibigay ng 30 porsyentong diskwento para sa mga nagnanais na kumuha ng pwesto sa merkado.

Ayon kay Economic Enterprise Manager Ronald Cantos, sa kabuuang 974 na pwesto sa pamilihan, mahigit sa 700 dito ang kasalukuyang okupado, na kung saan mas pinalawig pa ang pagtulong sa mga manininda sa pamamagitan ng paglalaan ng lingguhang pagbabayad ng mga ito sa anumang gastusin o taripa na layuning mas mapagaan ang sistema ng bayarin ng mga ito sa pamilihan.

Sa pamamagitan naman ng mga programang kinatha at inilunsad sa Calapan City Public market, lubos na pakikiisa ang ipinapakita ng bawat manininda upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng pamilihan na taglay ang pagiging mga disiplinado at kagandahang asal na kasalukuyang isinusulong ni City Mayor Arnan C. Panaligan sa ilalim ng programang Fly High as One Calapan. (CIO-Print & Broadcast Division)

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*