Pagiging Hall Famer ng Calapan City bilang ‘Most Business-Friendly City,’ target ng CTID

POSTED: Friday, August 22nd, 2014

Matapos ang dalawang beses na pagkasungkit ng Calapan City bilang isa sa mga “Most Business-Friendly Cities” sa bansa, patuloy ang ginagawang pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod upang mapanatili ang nasabing parangal, na isa sa nagbibigay ng malaking pagkilala sa lungsod.

 

Dahil prayoridad ni Mayor Arnan C. Panaligan ang pagkakaroon ng magandang ekonomiya sa lungsod, ilang mga programa ang inilunsad sa ilalim ng City Trade and Industry Depatment, sa pangangasiwa ni CTID Chief Enp. Joey Benter, kung saan malaki aniya ang naging pag-angat ng ekonomiya sa kalunsuran sa pamamagitan ng pagpasok ng napakaraming investors gaya na lamang ng banking industry na hindi aniya maikakaila dahil sa halos sunud-sunod na pagsulputan nito sa lungsod, na nagpapakita lamang umano ng magandang paggalaw ng ekonomiya at paglabas ng capital ng mga Calapeño.

Idagdag pa ang bagong power source sa bahagi ng Brgy. Sta. Isabel at konstruksyon ng umano’y showroom ng isang kilalang brand ng sasakyan sa bansa.

Ayon kay Benter, malaking bagay din sa magandang paggalaw ng ekonomiya ang nilalaman ng investment code ng Calapan gaya ng tax holiday na kung saan, kinapapalooban ng fiscal investment ang business tax at real property tax incentives para sa minimum capitalization na P20M para sa business tax habang P100M para sa minimum capitalization sa real property tax.

Bilang tulong naman ng pamahalaang lungsod sa mga negosyante, laan ng Administrasyong Panaligan ang non-fiscal incentive gaya ng pagtulong sa manpower sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga Job Fair at pakikipag-ugnayan sa mga may-ari nito para sa karagdagang insentibo para naman sa magandang operasyon ng kanilang investments.

Samantala, kumpyansa naman ang nasabing ahensya na masusungkit muli ng Calapan City, sa pamamagitan ng mga dokumentong isusumite sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa darating na Agosto 18, idagdag pa ang malaking adbentahe at karisma ni Mayor Arnan sa pakikipag-usap sa mga itatalagang hurado, na magdadala upang tanghalin ang Calapan City bilang nasa Hall of Fame na sa kategoryang “Most Business Friendly Cities” sa bansa. (CIO-Print & Broadcast Division)

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*