Mas pinalawak na city gov’t. scholarship ngayong taong 2014, pinrayoridad ni ACP

POSTED: Friday, August 22nd, 2014

Suporta sa edukasyon ng city gov’t., patuloy

 

Patuloy na binibigyan ng kaukulang suporta ng administrasyon ni Mayor Arnan C. Panaligan ang basic education sa lungsod ng Calapan, at ito’y sa pamamgitan ng pagpopondo ng nararapat o kaukulang badyet sa pamamagitan ng City School Board budget.

Kaugnay nito, simula ngayong school year 2014, inanunsyo ni Mayor Panaligan sa kanyang nakaraang Ulat sa Bayan na mas pinalawak niya ang sakop ng City Government College Scholarship Program. Kasabay nito ang pagbalangkas ng kanyang administrasyon ng Comprehensive Medium Term Development Plan na siyang magsisilbing road map ng City College of Calapan sa mga darating na taon.

Sa pasukang ito, nalaman sa datos ng City Education Department, na pinamumunuan ni City Education Officer Gng. Marilyn Manigbas, na may 250 scholars na ang City Government sa college level bilang first year o college freshmen at marami sa mga ito ay kasalukyyang enrolled sa City College of Calapan (CCC), subalit marami ay naka-enroll din sa ibang pribadong kolehiyo sa lungsod para sa mga kursong engineering, accountancy, architecture, business management, agriculture at fishery.

Nalaman din sa punonglungsod na kasama sa suportang ito sa larangan ng edukasyon ay ang pagbibigay ng mga trainings sa mga public school teachers upang patuloy silang mahasa sa kani-kanilang larangan at ang pagbibigay sa kanila ng city share na honorarium.

Sa tertiary level, ang CCC ay patuloy na nagsisilbing kasangkapan ng City Government upang mabigyan ang mga kabataan ng lungsod ng pagkakataon na makapag-aral sa kolehiyo.

Aniya, layunin ng Administrasyong Panaligan na maitaas pa ang antas ng pagtuturo sa City College at tinatanaw umano ang nasabing kolehiyo ng lungsod bilang isang “sentro ng de-kalidad at mahusay na edukasyon sa ating rehiyon.” Malugod na ipinahayag ng city mayor na nagtamo na ang City College of Calapan ng accreditation mula sa Association of Local Colleges and Universities (ALCU) para sa mga kursong Bachelor of Science in Information System, Bachelor of Elementary Education, major in Special Education, at Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management at Tourism Management.

Ayon pa kay Mayor Arnan, malaking tulong ang college scholarship program ng City Government para sa mga kabataan. Matatandaan na sinimulan ni Panaligan ang naturang programa ito noong taong 1996 na unang termino niya bilang City Mayor. Mula umano noon, libong kabataan na ng lungsod ang nakinabang sa programang ito at nakatulong ito upang mapataas ang antas ng kanilang pamumuhay. Aniya pa, marami sa mga kabataang nabiyayaan noon ay mga teachers, accountants, engineers, managers at supervisors, nurses at entreprenor.

Isinulong din ng kasalukuyang city administration ang programang literacy at alternative learning system (ALS) sa barangay level. Ngayong taong ito, nagtapos ang isang batch ng ALS scholars ng City Government sa training sa shielded metal arc welding.

Iniulat din ng alkalde ng siyudad na ang mga organisadong grupo ng mga kababaihan at kabataan ay tumanggap din ng skills training mula sa Technology and Livelihood Development Center (TLDC).

“Patuloy na sisikapin ng City Government na makapagbigay ng oportunidad sa mga kabataan ng lungsod na makapag-aral at makapag-tapos sa kolehiyo sapagkat ito ang magiging tulay nila tungo sa kinabukasan,” ani Panaligan. (CIO-Print & Broadcast Division))

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*