Kongreso ng Mangingisda, organisado

POSTED: Friday, August 22nd, 2014

 

Ang kawalan ng organisadong samahan na magrerepresenta sa sektor ng mga mangingisda ang malinaw na dahilan kung kaya naging mabagal ang pag-usad tungo sa pag-unlad ng naturang hanay. Dahil tinitiyak ng Administrasyong Panaligan na walang sektor na naiiwan tungo sa pag-unlad ay nagpunyagi ito na maisaayos ang Kongreso ng Mangingisda sa lungsod.

Sa determinasyon at pagpupunyagi ni City Councilor Engr. Gil Ramirez, na siya ring Committee Chairman on Agriculture at ng Fisheries and Aquatic Resources sa Sangguniang Panglungsod, ay matagumpay na nailunsad ang naturang kongreso noong Hulyo 28 sa Neo Calapan Function Hall, Calapan City, Oriental Mindoro.

Ang paglulunsad ay dinaluhan ng mga mangingisda buhat sa 23 coastal barangay sa Calapan City. Nagpakita din ng pagsuporta sina Mayor Arnan C. Panaligan, City Councilors Ramirez at Atty. Lorybelle Tanyag at Wilfredo G. Landicho, City ENRO, OIC – FMO.

Buhat naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay dumalo sina Atty. Asis G. Perez, national director, Ruben Jardin, OIC-Regional Director IV-B, Rolando Miranda, OIC-Asst. Regional Director IV-B, Emilito Gibe, OIC-Provincial Fishery Officer ORMIN at Marilyn M. Alcañeces, Chief CRM Division-ORMIN Agriculture Office.

Sa diwa ng temang “Palakasin ang hanay, iangat ang antas ng pamumuhay” ay dito sumentro ang mensahe ni Mayor Panaligan. Layunin aniya ng kanyang administrasyon na tulungan na maiangat at mapaunlad ang kabuhayan ng mga mangingisda habang kasabay na isinusulong din ang mga programa sa pangangalaga ng kalikasan. Patunay dito ang ilang alternatibong hanapbuhay tulad ng carpentry, slaughter at welding (SMAW) na libreng itinuturo sa ilalim ng Technology and Livelihood Development Center (TLDC). Idinagdag pa ng punonglungsod na ang pag-asenso ng lahat ay hindi matatamo sa isang magdamag lamang, ito ay matagalang proseso.

Samantala pinuri ni BFAR National Director Perez ang lokal na pamahalaan ng Calapan City dahil sa pagiging masigasig nito na mai-organisa ang hanay ng mga mangingisda. Binigyang diin nito ang mahalagang kontribusyon ng mga mangingisda sa ekonomiya ng bansa. Ayon sa kanya, 60% ng kinakain ng Pilipino ay nanggagaling sa dagat. Nasa 15.7% ng kabuuang produksyon sa agrikultura ay buhat sa mga mangingisda na suporta sa pangangailangan ng Pilipinas at maging ng ibang bansa.

Tinatayang 33% o 1/3 ng produksyon ng isda sa bansa ay nagbuhat sa mga municipal at city fisheries. Bagamat noong nakaraang taon 2013 ay nakapag-ambag ang Fishery Sector ng P237 bilyon sa ekonomiya ng bansa ay may 41% pa rin ng nasa poverty line ay buhat sa sektor ng mangingisda. Ipinagmalaki ni Perez na sa administrasyon ni Pangulong Aquino ay nasa P7.1 billion na ang pondo mula sa dating P1.8 billion na dinatnan nito. Nangangahulugan na may sapat nang pondo para sa mga programang mag-aangat ng pamumuhay ng nasa fishery sector.

Sinabi naman ni Konsehal Ramirez sa nasabing okasyon na upang matamo ang pangarap na pag-unlad ay kinakailangan ang pagtitiwala sa isa’t isa sa pagitan ng pamahalaan at ng hanay ng mga mangingisda. Sa harap ni Director Perez ay isinagawa ang panunumpa ng mga opisyales ng City Fisheries and Aquatic Resources Management Council (CFARMC), Fisherfolk Federation at Samahan ng mga Mangingisda sa Lungsod ng Calapan.

Para sa nakakarami ang pagkabuo ng Kongreso ng Mangingisda sa lungsod ay hudyat ng bagong pag-asa upang maitaas ang antas ng pamumuhay at pagkakaroon ng mataas na pagtingin ng lipunan sa mangingisda. (CIO-Print & Broadcast Division)

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*