Climate Change Adaptation Program, isinusulong ng CENRO

POSTED: Friday, August 22nd, 2014

Iba’t ibang mga programang maka-kalikasan ang pangunahing tinututukan ng tanggapan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa Pamahalaang Lungsod na naglalayong masiguro ang pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng kapaligiran.

Dahil na rin sa patuloy na paglaganap at paglala ng climate change na kasalukuyang kinakaharap ng bansa, isang programa ang tinututukan ng City Enro, sa pamumuno ni Officer Wilfredo Landicho, kung saan sa iniyatibo ni Mayor Arnan C. Panaligan, inilunsad ang Climate Change Adaptation Program na nakatuon sa mga proyektong makatutulong upang maibsan o mabawasan ang paglala ng climate change at global warming dala ng iba’t ibang mga kalamidad.

Isa sa mabisang paraan upang mabawasan ang epekto dala ng pabago-bagong klima ang pag-arangkada ng Earth Hour Celebration, dahil tinatayang 30,000 watts ang natitipid ng Pamahalaang Lungsod sa isang oras na pagpatay ng kuryente sa lahat ng tanggapan ng lokal na pamahalaan kada huling Biyernes ng buwan.

Sa pinaigting na implementasyon naman ng City Ordinance no. 11 series of 2011, o mas kilala sa tawag na “Ban On The Use Of Non-Biodegradable Plastic,” tinatayang nasa 22,176 plastic bags ang natitipid sa siyudad at maiiwasan ang pagdami o pagkalat nito sa mga pangunahing lugar sa kalunsuran na posibleng magdulot ng pagbara sa mga daluyan ng tubig sa mga ilog at kanal.

LAND-BASED TREE PLANTING AND PARENTING, MANGROVE TREE PLANTING AT NURSERY OPERATION AND MAINTENANCE, ito naman ang mga proyektong nasa ilalim ng Urban Greening kung saan sinasabing pinakamabisang paraan ito o hakbang upang mapangalagaan ang kalikasan at labanan ang global warming sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga punongkahoy gaya ng bakawan sa mga baybaying ilog o Riverbanks at lugar na kinakailangan para sa restoration ng natural diversity of river system.

Samantala, Ilan pa sa mga proyektong tinututukan ng City Enro, sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Arnan, na pawang layunin ay labanan ang paglala ng global warming ay ang Search for the Most Productive, Cleanest and Greenest School, City Clean-Up Drive at Information and Education Campaign. (CIO-Print & Broadcast Division)

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*