Mga nagawa ng Calapan City government sa nakalipas na 1 taon, iniulat ni Mayor Arnan

POSTED: Tuesday, July 22nd, 2014

Malalaking proyekto na magpapaunlad sa kabuhayan ng mga Calapeño at pangunahing mga natamo ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa nakalipas na isang taon.

 

Ito ang kabuuan ng talumpati ni City Mayor Arnan C. Panaligan sa Sangguniang Panlungsod noong Hulyo 1 bilang ulat na rin ng alkalde sa mga mamamayang Calapeño at kalagayan ng Calapan o ang State of the City Address (SOCA).

Base sa naging pag-uulat ni Mayor Panaligan, nangunguna sa mga nakamit ng lungsod ang

Gawad Saka Award mula sa Department of Agriculture bilang isa sa mga nangungunang siyudad sa bansa sa produksyon ng bigas.

Muli ring natamo ng Calapan City ang award bilang Most Business Friendly City in the Component City Category mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).

Iniulat din ni Mayor Arnan na kasalukuyan nang isinasagawa ang simpleng pagka-klasipika ng rehistrasyon ng mga negosyo sa lungsod, at ang pagbabalangkas ng Updated Citizens Charter para maitaguyod ang epektibo, episyente at bukas na serbisyo sa mga mamamayan.

Samantala, ang pagtataguyod at lubos na suporta sa sektor ng agrikultua ay ipinaalam din ng alkalde gaya ng pagtataas ng taunang pondo nito ngayong 2014 sa P46 milyon mula sa P1.8 milyon lamang na badyet nito noong 2013.  Naglaan din ang Pamahalaang Lungsod ng mga subsidiya o tulong sa mga magsasaka para makabili ng mga hybrid at inbred seed varieties; at inilunsad ang “Gulayan sa Barangay” program para matugunan ang pangangailangan sa pagkain at nutrisyon ng maraming mahihirap na pamilya at bilang pagkukunan na rin ng kabuhayan.

Isa rin sa mga pina-prayoridad ng lungsod ang mga programang magpapaunlad sa pangisdaan.

Sa larangan naman ng imprastrkatura, iniulat din ng punonglungsod na sinisimulan na sa lungsod ang pagko-kongkreto ng mga daan at pagsasagawa sa mga kanal o drainage dito, kasabay nito ang paghahanda na rin sa Comprehensive Drainage Master Plan ng buong Calapan.

Inilagay na rin ang mga LED streetlights sa diversion road papuntang City Hall complex at muling pinailaw ang mga streetlights sa mga abalang kalye gaya ng J.P. Rizal, Bonifacio St., Juan Luna St., at Leuterio St.

Kung inyong mapapansin, nakumpleto na rin ang renovation ng City Hall.

Inilunsad na rin ng administrasyoin ni Panaligan ang ABC River program na ang ibig sabihin ay Alive, Beautiful, Clean River program para sa Calapan River na kung saan, isinasagawa na ang dredging o desilting ng ilog ng Calapan para na rin isang flood control at muling pagbuhay ng isang malinis na ilog ng lungsod.  Kasama rin dito ang konstruksyon ng isang linear river park sa magkabilang gilid ng ilog.

Mas pinalawak ng Pamahalaang Lungsod ang Health Insurance program at pinalaki ang benepisyo mula dito; itinaas din ang antas ng isang health unit ng siyudad bilang isang Basic Emergency Maternal Obstetrics and Newborn Care Center o BemONC.

Sa edukasyon, pinalawak sa lungsod ang City College Scholarship Program; patuloy na pagpapatupad ng Literacy and alternative learning system program; at pagpapalawak ng Day care program dito.

Ilan pa sa mga naisagawa at natamo ng Administrasyong Panaligan sa loob ng nakalipas na isang taon ay ang pagkakaloob ng mga titulo ng lupa sa mga residente o nakatira sa mga barangay ng Wawa at Maidlang matapos ang paghihntay ng mga ito ng mahigit na 20 taon; pagdaragdag at pagpapalawak ng relokasyon para sa mga informal settlers; implementasyon ng City Employees Housing project.

Nakabili at dumating din sa lungsod ng Calapan ang dalawang bagong-bagong ambulansya at tatlong dump trucks; inilunsad ang Disaster risk reduction and management program; nakabili ng rescue at life-saving equipment at bagong Rosenbauer fire truck para sa siyudad at pag-repair ng City Public Safety Dep’t. fire truck.

Marami pang nagawa ang liderato ni Mayor Panaligan sa nakalipas na isang taon, at ang lahat ng ito ay malinaw niyang nai-detalye sa kanyang ulat.(Ni JUANCHO R. MAHUSAY)

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*