Mahigit P25M badyet, inilaan ni ACP sa 2014 Disaster Management Program

POSTED: Thursday, March 13th, 2014

Mahigit P25 milyon ang badyet o pondong inilaan ni City Mayor Arnan C. Panaligan para sa isang taong operasyon ng City Public Safety Department-City Disaster Risk Reduction Management Office sa ilalim ng 2014 Disaster Management Program ng Pamahalaang Panglungsod ng Calapan.

 

Ito ay upang maseguro ang ganap na kaligtasan, agarang pag-responde at tuluy-tuloy na gawaing naglalayong mabigyan ng tulong ang lahat ng mamamayan ng lungsod sa lahat ng oras lalo na sa panahong may kalamidad at malawakang sakuna.  Layunin din ng paglalaan ng malaking pondong nabanggit ay ang maiwasan o maiiwas ang sinumang naninirahan sa Calapan sa anumang posibleng sakuna sa buong isang taon.

Sa panayam kay Jefferson B. Pasajol, over-all team leader ng Emergency Management Service (EMS) ng CPSD-CDRRMO, sinabi niyang mahalaga ang naging paglalaan ni Mayor Panaligan ng nasabing pondo dahil dito nakasalalay ang lahat ng gawain ng kanilang tanggapan sa loob ng isang buong taon, na magse-seguro naman ng ganap na pangangalaga sa kaligtasan ng mga Calapeno.

Iba-ibang gawain ng CPSD-DRRMO, sa ilalim ng pamamahala ni City Public Safety Officer at Disaster Risk Reduction Management Officer Nelson V. Aboboto, ang paglalaanan ng naturang pondo kabilang na dito ang Quick Response Fund: Emergency Response, Rehabilitation and Recovery na may pinakamalaking badyet na P7,456,010.49 o halos 30% ng kabuuang pondo na P25,053,368.30 ng Disaster Management Program para sa taong ito.

Ilan pa sa mga napondohan nang malaki sa ilalim ng nasabing disaster management program para sa 2014 ay ang pagbili ng mga heavy equipments at iba pang emergency vehicles na gagamitin ng CDRRMO para sa kanilang gawain na may pondong P5,500,000, ang City Drainage and Sewerage Plan na may badyet na P4 milyon, ang konstruksyon ng phase 2 ng kanilang  operation center at pagbili ng mga gamit dito na pinondohan ng P2 milyon, implementasyon ng mga disaster mitigating projects na may P2 milyon, at pamimili pa ng karagdagang rescue equipments na nilaanan ng P1 milyon.

Kasama rin sa pinaglaanan mula sa nabangit na P25 milyong pondo ay ang pagbili ng marami pang gamit pang-rescue, pagsasayos ng mga bagay at lugar para maiwasan ang sakuna, at ang pakikipag-koordinasyon sa mga mamamayan ng Calapan at iba’t ibang ahensya na bumubuo sa City Disaster and Risk Reduction Management Council (CDRRMC).

Ang lahat ng ito, ayon kay Aboboto, ay pagpapatunay na sa ilalim ng Administrasyong Panaligan ay sinisiguro ang ganap na kaligtasan at kaayusan ng lahat ng mamamayang naninirahan sa lungsod ng Calapan.

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*