Ang Calapan sa ika-16 na taon nito bilang lungsod

POSTED: Thursday, March 13th, 2014

 

Malaki na ang ipinagbago ng Calapan mula nang ito ay maging isa nang ganap na lungsod.  At ito ay patuloy at hindi na mapipigilan pa sa pag-angat sa ekonomiya lalo na sa maayos na pamamalakad ng mga taong umuugit ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, sa pamumuno ng kasalukuyang Punung-Lungsod Arnan C. Panaligan.

 

Halos buwan-buwan, unti-unting nagbabago ang anyo ng Calapan dahil sa mga bagong itinatayong mga gusali, at nagsusulputang mga bagong negosyo.  Subukan mong bumaybay sa mga side-walks sa bahagi ng J.P. Rizal Street sa Brgy. San Vicente Central, mararamdaman mo ang nagsisiksikang mga tao.  Ganoon din ang mga lansangan, nagkaka-traffic na at sadyang madarama ang pagiging masikip na daloy ng trapiko sa Calapan, na nagbabadya ng pangangailangan ng pagpapatupad ng panibagong patakarang pantrapiko dito.

 

Tumatahak nangayon ang Calapan sa ika-16 na taon nito ng pagiging isa nang ganap na siyudad.  Ngayong Marso 21, 16 na taon na po ito ng pagiging aktibo at pasulong na lungsod, na siyang umaangkla o tumitimon sa makabagong panahon at maunlad na kinabukasan ng buong lalawigan ng Oriental Mindoro, bilang siyang capital nito.

 

Nasaan na nga ba ang Calapan ngayon?  Saglit na magbalik-tanaw muna tayo upang ganap nating makita ang inilaki ng ating lungsod.

 

Mula sa pagiging lumang munisipyo hanggang maging makabagong siyudad

 

Mahaba ang talaan ng kasaysayan ng Calapan kung ito ay ganap na babaybayin.  Subalit pahapyaw lang natin itong ilalahad para sa kagalingan ng kasalukuyang henerasyon.

 

Ang Calapan ay nagsimula bilang isang maliit na baryo lamang na itinatag sa ilalim ng distrito ng bayan ng Baco noong taong1733.

 

Mula doon, umusad ang Calapan hanggang ito ay maging isang ganap na bayan, na hiwalay na sa pinanggalingan nitong munisipyo ng Baco.  Dahil mas malapit ang lokasyon nito sa karagatang nakaharap sa mainland Batangas, gaing aktibo ang kalakalan dito at naging kapital o pinaka-sentro ito ng kalakalan at pamahalaan ng buong  lalawigan ng Oriental Mindoro at noon ngang1998, ang Calapan ay na-convert mula sa pagiging munisipyo tungo sa pagiging isang component city o lungsod sa pamamagitan ng Republic Act No. 8475.

 

Ang nasabing batas ay orihinal na inakda sa Kongreso ng noo’y Kinatawan ng Unang Distrito ng Oriental Mindoro o Kongresista J. Renato V. Leviste at nilagdaan noong ika-2 ng Pebrero ng taong 1998 ni Pangulong Fidel V. Ramos.  Noong Marso 21, 1998, pinili ng mayoryang mamamayan ng Calapan ang pagtatatag ng Lungsod ng Calapan sa pamamagitan ng isang plebisito at hinirang ang araw ding iyon bilang siyang Araw ng Pagkakatatag ng ating lungsod.  Ang noo’y alkalde ng bayan na si Atty. Arnan C. Panaligan ang naging pinakahuling Municipal Mayor at kauna-unahang City Mayor ng Calapan.

 

Sa kasalukuyan, ang Calapan ang una at nag-iisang lungsod sa buong Isla ng Mindoro at ikalawa lamang sa buong Rehiyon ng MIMAROPA (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan) o Region 4B sunod sa siyudad ng Puerto Princesa sa lalawigan ng Palawan.

 

Magmula nang maging isang ganap na lungsod, kinakitaan ang Calapan ng hindi matatawarang pag-unlad lalo na sa larangan ng komersyo at industriya, imprastraktura at serbisyong panlipunan.  Nagbukas dito ang naglalakihang mga commercial establishments na nagbigay ng maraming mga trabaho at oportunidad na kumita para sa mga residenteng narito.

 

Sa pamamagitan ng may pagkalinga at maayos na pamamahala ng iba’t ibang City Administrations hanggang sa kasalukuyan, lumawak ang pagpapatupad ng iba-ibang mga programa para sa basehang mga pangangailangan ng mga Calapeño, partikular sa pangangalaga ng kalusugan (health care) at edukasyon.  Ang pisikal na kaanyuan o imprastraktura nito ay nag-iba o nagkaroon ng napakalaking pagbabago gaya ng konstruksyon ng maraming bagong kalsada o daan at mga daluyang tubig (drainage facilities) dito, kasama ang pagtayo ng isang makabagong City Government Center sa Brgy. Guinobatan, kung saan narito ngayon ang iba’t ibang ahensya at departamento ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan at Sangguniang Panlungsod (SP), mula sa dating kinalalagyan nito sa Brgy. Ibaba East sa harap ng pambayang parke o plasa at ang likod ay ang ilog ng Calapan.

 

Umunlad ang turismo sa pagbubukas na rin ng maraming mga bagong inland resorts at hotels dito.  Itinayo rin sa Calapan ang iba’t ibang naglalakihang mga shopping centers o malls, para na rin sa mas mataas na antas ng pamimili ng mga mamamayan sa lungsod.  Idinaos din sa ating siyudad ang iba-ibang mga sikat na okasyon dito gaya ng sports events at mga international competitions na lalo pang nagpatanyag sa Calapan bilang siya ngang sentro ng MIMAROPA Region na kayang-kayang magsagawa o mag-host ng anumang naglalakihang mga aktibidad.

 

Ipinagmamalaki din ng Calapan ang iba’tibang mga parangal at pagkilala sa mga nagdaang mga panahon hanggang sa kasalukuyan.  Kamakailan nga, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Panaligan, muling nakuha ng Calapan ang pagiging “most business-friendly LGU” o yunit ng pamahalaan na may pinaka-bukas at pagiging maalwan sa mga magne-negosyo sa buong Pilipinas.  Ang nasabing prestihiyosong parangal, na taunang iginagawad ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), ay pangalawa nang pagkakataon na iginawad sa ating lungsod.

 

Mula sa pagiging 4th Class City nito noong 2007 hanggang sa maging 2nd Class City nito noong 2010, dahil na rin sa iba’t ibang magagandang programang ipinapatupad dito at pagpapataas ng koleksyon nito sa buwis at pag-angat ng ekonomiya, patuloy pa ring umaangat ang estado ng Lungsod ng Calapan sa lahat ng aspeto.

 

Legasiya ni Mayor Panaligan sa Calapan

 

Marami nang mga nagawa at matatawag na legasiya si Mayor Panaligan, ang “Alkaldeng Nagtatag ng Lungsod ng Calapan,” sa na banggit na siyudad.  Tinatalakay na ito sa iba’t ibang mga artikulo sa maraming pahayagan sa lalawigan ng Oriental Mindoro.

 

At ayon nga kay Mayor Arnan, hindi pa rin nagbabago ang kanyang positibong pananaw o optimismo sa kakayahan ng lungsod ng Calapan bilang isang lugar na napakaganda at naaayong tunguhin ng sinumang dadayo at magne-negosyo, mula pa nang ito ay kanyang inadhika buhat sa pagiging munisipalidad nito noong 1998.  Dahil sa ganoon pa aniyang kaagang panahon, nakita na niyang lalago ang ekonomiya nito, at ngayon nga ay unti-unti nang realisasyon.

 

Sa kanyang “ONE Calapan Program of Governance” na kasalukuyang ipinatutupad para lalo pang maka-attract ng mas maraming lokal at dayuhang mga investors, kumpiyansa si Mayor Arnan na matatamo ng Lungsod ng Calapan ang lalo pang mas makabago at maunlad na lugar sa buong Pilipinas.(Ni JUANCHO R. MAHUSAY)

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*