De Leon, bagong halal na pangulo xng Oriental Mindoro Media Club

POSTED: Friday, December 20th, 2013

 

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Nahalal bilang bagong pangulo ng Oriental Mindoro Media Club (OMMC) si Leo De Leon kahalili ni outgoing president Joe Leuterio, matapos na isagawa ng nakararaming kasapi nito ang halalan sa Anahaw Island View Resort sa lungsod na ito noong Disyembre 14.

 

Si De Leon, na mayroon nang 23 taon ng nagsisilbing aktibong mamamahayag sa lalawigan ng Oriental Mindoro sa print at broadcast ay kasalukuyang news reporter ng Catholic Media Network (CMN Pilipinas) at managing editor ng lokal na pahayagang Mindoro Star.

 

Nagsilbi ring reporter ng DZXL RMN Manila 558 khz noong Dekada 90 at sa nasyunal na pahayagang Taliba at Peoples Journal ng Journal Group of Companies.

 

Nagtapos si De leon ng kursong Bachelor of Arts (A.B. English & Literature) sa Divine Word College of Calapan noong taong 1989.  Pormal na kumuha rin ng may kabuuang 14 iba’t ibang pagsasanay at seminar sa iba’t ibang panig ng ating bansa sa larangan ng pamamahayag sa print at broadcast na pinamahalaan noon ng Philippine Press Institute (PPI).

 

Malaki ang paniniwala ni De Leon na isang sagradong gawain ang pamamahayag sa isang malayang bansang tulad ng Pilipinas, na dapat patuloy na pag-aralan ng mga nasa propesyon.

 

Ilan sa mahahalagang programa at proyektong target ng bagong halal na pangulo ng OMMC ay ang higit pang pag-ibayuhin ang propesyunalismo sa larangan ng pamamamahayag sa bawat kasapi nito, ang agarang pagsisimula ng konstruksyon ng OMMC building na itatayo sa Calapan City, ipagpatuloy ang planong media village, ang welfare fund at ang pagkakaroon ng livelihood program (fund raising) at ang higit na pagsuporta sa mga programang pangangalaga sa kalikasan.

 

Samantala, kabilang sa mga bagong halal na opisyales ng OMMC ay sina Dennis Nebrejo ng DWOM-FM bilang vice-president, Marie Cris de Jaro ng Island Profiles bilang secretary; Joe Leuterio ng Mindoro Bulletin, treasurer; Carla Faderon ng Island Sentinel, auditor; at Neil Ferrer ng Radyo Natin-Naujan, business manager.  Nahalal naman bilang mga miyembro ng board of directors sina Rey Jandusay ng Daily Tribune (chairman), Juancho Mahusay ng Philippine Star, Ma. Fe A. De Leon ng KPSM, Jerry Alcayde ng Remate at Bernard Veluz ng Bandera Pilipino.

 

Nakatakdang manumpa ang mga nasabing opisyales sa Enero ng susunod na taon at planong kunin bilang inducting officer si Jerry Yap, pangulo ng Alab ng Mamamayan (ALAM).  Ang OMMC, ang pinakamatagal na samahan ng mga mamamahayag sa buong isla ng Mindoro na may 26 taon na, ay affiliated din sa National Press Club of the Philippines.

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*