Peace Rally, Isinasagawa Ng Mga Mindoreno

Bulalacao, Oriental Mindoro – Humigit kumulang 400 Mindore?os ang malugod na dumalo at nakiisa sa pagpapasinaya sa pagkundina sa taliwas na gawain ng armadong grupo o “Peace Rally” na may temang “Mindore?os! Ipinaglalaban ang Karapatang Pantao tungo sa Pagbabago at Asenso” ganap na ika-10 ng umaga ng hulyo 28 sa bayang ito.

Layunin nitong himukin ang taumbayan na ipaglaban ang karapatan ng bawat tao at sama-samang itakwil ang baluktot at brutal na gawain ng mga armadong grupo partikular ang New People’s Army (NPA) gaya ng pagpaslang ng mga ito kay Ariston Maming na isang aktibong Mangyan Community-Organizer Volunteer noong ika-20 ng Hulyo sa Sitio Yunot, Brgy Nasucob, Bulalacao.

 

Ang dalawang oras na pagtitipon-tipon at iginugol ng mga partisipante ay isang hudyat ng pagdadalamhati at paghingi ng hustisya sa isang katutubong nilalang na ang tanging hangad ay makatulong sa pag-unlad sa kanilang lugar at maiangat sa kumunoy ng kahirapan ang kaniyang kapwa katutubo. Subalit ang mga hangaring ito ay lantarang ipinagkait ng mga teroristang NPA na kung saan ang tanging mithiin ay maghasik ng kaguluhan at pigilan ang daloy ng ekonomiya sa lipunan.

 

Naging madamdamin at puno ng hinagpis ang mensahe ng mga piling panauhin at taga-pagsalita hinggil sa mapait na sinapit ni Ariston lalo na ng mga kaanak at ama nitong si Barawraw Maming. Aniya, hindi makatao ang pagpatay sa kaniyang anak! Ang hindi matatawarang kontribusyon ng anak sa komunidad ay simbolo ng katapangan at malawak na kaisipan kung kaya’t hinikayat niya ang mga katutubo na magpunyagi, patuloy na makibaka tungo sa rurok ng tagumpay at huwag tangkilikin ang presensya ng mga makakaliwang grupo.

 

Ayon din sa punong Barangay ng Nasucob sa katauhan ni kagalang-galang Dennis Paner, malaking kawalan ang isang Ariston sa kanilang lugar, ang sipag at tiyagang ipinamalas nito ay naging susi at daan sa pagkakaroon ng iba’t-ibang proyekto tulad ng isang silid-aralan, linya ng kuryente, pagsasaayos ng kalsada at lakbay-aral para sa mga katutubong Hanunuo sa Silangang Mindoro. Siya din ay umapila sa kaniyang mga nasasakupan na harinawa’y hindi na maulit ang karumal-dumal na pangyayari bagkus magkaisa at manindigan alang-alang sa kapakanan ng bawat isa.

 

Lubos din ang paghihinayang ni Mayor Ernilo Villas ng Bulalacao, aniya, si Ariston ay isang hulog ng langit para sa mga katutubo. Hindi alintana ang hirap at pagod at di-iniisip ang sariling kapakanan basta makatulong sa kapwa at makapaghatid ng nauukol na proyekto sa kanilang lugar. Pinagtutuunan nito ng mahabang oras at pansin hindi lamang sa lokal na pamahalaan kundi hanggang sa nasyonal ay nakakaabot ito alang-alang sa ikasasatuparan ng mga signipikong proyekto at programa lalo na ang alternatibong pangkabuhayan para sa mga katutubo. Sa kabilang banda, ang punong bayan ay nakiusap na magbuklod-buklod at buong tapang na itaguyod ang karapatan tungo sa progresibong pamayanan.

 

Ang mga katagang binalangkas sa kabuuan, ay nagmistulang sandigan at lakas ng bawat mamamayang sumaksi at nakibahagi lalo’t higit ang mga katutubo. Ang kagitingan at tibay ng paninindigan ni Ariston ay magsisilbing gabay sa pagtutol laban sa mga grupong anay sa bayan.

 

Kaakibat sa isinagawang “peace rally”, ang lokal na pamahalaan ng Bulalacao sa pangunguna ni Mayor Villas, Bulalacao MPS na pinamumunuan ni Police Inspector Christian Marquez at ang mga koponan ng 203rd Infantry Brigade sa pamumuno ni Koronel Bobby Calleja na kinatawan ni Koronel Johnny Macanas, ang halig-puno ng nasabing Brigada at 4th Infantry Battalion na pinamumunuan ni Tenyente Koronel Jeffrey Jake Gallenero na kinatawan nina Magat Gregorio de Guzman, halig-puno, ang may akda at Tenyente Riza Sembrano ng naturang Batalyon ay agarang nagpulong upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Ka Maming, matulungan ang pamilya at mabigyan ng libreng edukasyon ang apat na anak nito at ang mga aspetong karagdagang alternatibong pangkabuhayan, mahigpit na seguridad at malawakang kontra propaganda laban sa mga komunistang NPA at masasamang elemento nang sa ganun ay hindi mag-alinlangan ang mga imbestor at negosyante na dumayo at mamuhunan sa bayan ng Bulalacao.(1LT MELCHOR R DURANTE (INF) PA  4IB7)

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*