Calapan City Public Market, Hinahangaan Ng Iba’t-Ibang Lugar Sa Bansa

MGA DELEGADO MULA SA PANABO CITY, BINISITA ANG PAMILIHAN

Kasama ang mga hepe ng bawat departamento at kawani ng City Government of Calapan, sinalubong ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Vice-Mayor Jojo S, Perez , ang mga opisyales mula sa lokal na pamahalaan ng Panabo City, Davao del Norte sa pagbisita nito sa lungsod para sa isang konsultasyon hinggil sa pagpapatayo ng pampublikong pamilihan na gaya ng bagong Calapan City Public Market

Dahil sa magandang istruktura at maayos na operasyon ng bagong Calapan City Public Market, bumisita noong ika-2 ng Hulyo ang mga opisyales ng Panabo City, Davao del Norte para sa isang konsultasyon hinggil sa pagpapatayo ng ganitong uri ng imprastraktura sa kanilang lugar.

Kasama ang mga hepe ng bawat departamento ng kanilang lokal na pamahalaan, kawani at buong Sangguniang Panlungsod, pinangunahan ni City Councilor Bong Brucal ang malugod na pagsalubong at pabibigay ng welcome remarks para sa mga panauhin. At bilang author ng City Market Code, ibinahagi ni Kon. Brucal ang naging karanasan ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan bago tuluyang maipatayo ang bagong pamilihan. Dagdag pa niya, malaki ang naiambag ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ni Mayor Doy Leachon at ng konseho upang mabigyang kaganapan ang nabanggit na konstruksiyon ng palengke.

Sa pangangasiwa ni City Trade and Industry Officer Joey Benter, binigyan ng ibayong pagtalakay ang mga usapin patungkol sa mga suliraning maaaring kaharapin sa panahon ng konstruksiyon ng pamilihan at ang mga bagay na dapat tandaan upang mapanatili ang kaayusan sa operasyon. Ibinahagi din ni G. Benter ang kabuuang plano na ginawa ng pamahalaan na maaaring maging gabay ng City Government of Panabo para sa pagpapatayo ng hinahangad na imprastraktura.

Samantala, sa pamamagitan ni Vice-Mayor Jojo Perez, ipinaabot ni Mayor Leachon ang kanyang pasasalamat sa lahat ng opisyal na bumisita sa lungsod gayundin sa kanilang patuloy na paniniwala sa magandang hangarin ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan upang higit na mapaigting ng ugnayan sa pagitan ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan sa bansa.

Matapos ang talakayan, binisita ng mga panauhin ang ipinagmamalaking bagong palengke ng Calapan at ang iba’t-ibang historical sites sa lungsod.

Hindi na nga maikakaila ang matagumpay na paglalakbay ng Bagong Calapan sa larangan ng imprastraktura at ekonomiya na maging ang ibang lugar sa bansa ay napapahanga. Kaya naman, patuloy ang pagsusumikap ng Pamahalaang Lungsod kasama ang lahat ng kawani at buong pwersa ng City Council sa pagbibigay ng mahusay na serbisyo-publiko para sa bawat Calapeño.

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*