Pagpapalakas sa Kooperatiba Tinutukan Sa Proper Record Management Training

Kaugnay ng patuloy na pagpapatatag ng programang tumutugon sa pagpapalawak ng kaalaman at paglinang ng kakayahan hinggil sa pamamanihala ng mga importanteng dokumento, muling sumailalaim ang miyembro ng iba’t-ibang kooperatiba sa lungsod sa isang Record Management Training na ginanap noong nakaraang Hunyo 28-29 sa Sangguniang Panlungsod Session Hall.

Sa pangangasiwa ng Calapan City Cooperative Development Office (CCCDO) na pinamumunuan ni Vice-Mayor Jojo S. Perez bilang City Cooperative Development Officer, itinuon ang nabanggit na pagsasanay sa pagtalakay ng responsibilidad at tungkuling kalakip ng pagiging kasapi ng kooperatiba. Nabigyan din ang bawat kalahok ng pagkakataon upang maibahagi ang kani-kaniyang saloobin patungkol sa mga estratehiya o taktika na makatutulong upang magkaroon ng mas maaayos na sistema ng paggawa at pagpapanitili ng kalidad ng bawat dokumentong kanilang pinangangalagaan gayundin upang mapabilis ang kanilang ibinibigay na serbisyo sa mga kliyente.

 

Katulong si Gng. Lea Lavalle mula sa CCCDO, nabigyan ng paglilinaw at karagdagang impormasyon ang mga nagsidalo ukol sa wastong pamamaraan ng pagpoproseso ng mga importanteng datos na kailangan sa financial management. Kasama si Trade and Industry Development Analyst Faith Valenzuela at iba pang kawani ng CCCDO, napagtuunan din ng pansin ang mga panuntunan na dapat gamiting gabay para sa proper record management at maikintal sa isip ng bawat isa ang sistematikong pamamahala ng mga datos.

 

Patunay ang proyekto na lubos ang suporta sa mga kooperatiba ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa pangunguna nina Mayor Doy C. Leachon at Vice Mayor Perez.

 

Ito ay dahil sa naniniwala ang dalawang pinuno sa mabuting maidudulot ng pag-unlad ng mga kooperatiba sa pag-unlad din ng kabuhayan ng bawat pamilyang Calapeño.

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*