Mangyan, Pinaslang Ng Armadong Grupo

 

Bulalacao, Oriental Mindoro – Walang habag na pinaslang ng sampung armadong tao ang isang katutubong Mangyan sa Sitio Yunot, Brgy Nasukob ng  bayang ito noong ika-20 ng Hulyo taong kasalukuyan.

             Nakilala ang biktima na si Ariston Mameng y Lunes, isang Mangyan Community Volunteer na aktibong nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at iba’t-ibang sektor at ahensiya ng gobyerno upang makatulong sa ikapapayapa at ikauunlad ng kanilang lugar. Ayon sa mga kamag-anak ng biktima, bandang alas otso ng gabi ng biglang sumulpot sa bahay ang mga armadong tao na nagpakilalang rebelde at miyembro ng New People’s Army (NPA) na kumikilos sa ROMANBUL (Roxas, Mansalay at Bulalacao). Puwersahang pumasok ang mga salarin at agad na pinusasan at kinaladkad palabas ng bahay ang naturang biktima. Saksi man ang buong pamilya sa pangyayari anila’y tila naging tuod na lamang at manhid sa takot na sila ay idamay at saktan. Makalipas ang sampung minuto buhat sa pagtangay sa biktima, agad na nakarinig ang pamilya at mga kamag-anak nito ng apat na sunod-sunod at umaalingawngaw na putok ng matataas na kalibre ng baril di kalayuan sa ilog na titatawag nilang Tupal. Dahil dito, ang mga katutubong residente ay lubhang natakot at nagimbal.

            Makaraan ang humigit kumulang siyam na oras ng pagkawala ni Ariston, bandang alas singko ng madaling araw ng ika-21 ng Hulyo, sina Nelia Taying Mameng, asawa ng biktima at Eming Ungkay ay nagtungo sa ilog at doon nabungaran at natagpuan ang karumaldumal na pagpaslang sa biktima. Nagtamo ito ng apat na tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Ang pagkitil sa buhay ng tao gaya nito, na tahasang ginagawa ng mga rebelde o NPA ay isang bangungot at paglabag sa karapatang pantao.

            Sa ulat ni Mayor Ernilo Villas ng Bulalacao sa pamamagitan ng tawag sa telepono hinggil sa pangyayari at sa panayam at pakikipag-ugnayan sa pulisya, ang koponan ng 4th Infantry Battalion na pinamumunuan ni Tenyente Koronel Jeffrey Jake Gallenero ay agad na nagsagawa ng “Joint Retrieval Operation” para makuha at maisaayos ang labi ng biktima. Naisagawa ang retrieval operation ganap na ika-6 ng umaga at dinala ang bangkay sa Municipal Health Office ng Bulalacao para ma-eksamin (post-mortem examination). Ayon kay Dr Rey Asignacion, Medical Officer IV na tumingin sa pasyente, ang tinamong tama ng bala sa katawan (chest, level right nipple, chest near axilla, deltoid right area) ang sanhi ng agarang ikinamatay ng biktima.

            Ang hindi matatawarang sipag at bulontaryong serbisyo publiko ni Ariston ay isang malaking kawalan sa mga katutubo partikular ang tribong Hanunuo. Siya ang nagsisilbing sugo upang maisakatuparan ang anumang proyekto at aktibidad sa kanilang Sitio at sa ibang komunidad ng Mangyan sa  Silangang Oriental Mindoro. Isa sa mga signipikong ginampanan at pinagbuhusan niya ng oras ay ang pagkakaroon ng dalawang gusaling silid-aralan sa Sitio Yunot na kung saan ang ABS-CBN Sagip-Kapamilya Foundation, LGU-Bulalacao, Mangyan Leaders, AFP at iba’t-ibang sektor ay naging magkatuwang sa pagbuo sa proyektong ito.

            Sa kasalukuyan, ang 4th Battalion ay patuloy na nakikipagtulungan upang mabigyan ng karampatang tulong ang pamilya ng biktima at nagsasagawa ng “special investigation” at “counter measures” upang masupil ang mga rebeldeng salarin. (1Lt Melchor R. Durante (INF) PA 4IB7)

 

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*