Calapan, Host City sa Resort Wear at Cultural Wear Competition ng Miss Philippines Earth 2012

Prince of Pop Erik Santos, pinahanga ang mga Calapeño

 

Upang higit na pagyabungin ang turismo sa Lungsod ng Calapan, muling isinagawa sa syudad ang isa sa mga leg ng Miss Philippines Earth Pageant. Para sa taong 2012, nagpasiklaban ng ganda at galing sa entablado ang mga kandidata sa ginanap na resort wear at cultural wear competition na isinagawa sa LEMNAHIS Gymnasium noong ika-8 ng Mayo.

 

Iginagawad kay Miss Municipality of Manaog ang Best in Cultural Wear award matapos mapahanga ang mga hurado sa kanyang pambihirang kasuotan.

Nagsimula ang kompetisyon sa pamamagitan ng isang production number kung saan humataw sa pagsayaw ang 47 na mga kandidata at hindi matapos na palakpakan ang narinig mula sa mga manonood nang isa-isa ng magpakilala ang mga binibini.

Sinundan ito ng resort wear competition kung saan iba’t-ibang istilo at disenyo ng mga kasuotan na pang-resort at para sa panahon ng summer ang nakitang suot ng mga kandidata. Sa pagkakataong ito, muli nilang ibinandera ang kanilang balingkinitan at magagandang hubog ng katawan.

Iminomodelo ni Miss Philippines Earth 2012 Calapan City candidate Melanie Ann Belina ang kanyang taglay na ganda sa cultural wear competition.

 

Nagtuloy-tuloy ang palabas nang magkaroon ng isang makulay at nakahahalinang opening number kung saan ipinakita ng mga mananayaw ng De La Salle Cultural Dance Troupe ang iba’t-ibang tradisyunal na sayaw sa buong Pilipinas.

Napahanga hindi lamang ang mga hurado kundi ang mga manonood nang isa-isa ng iminodelo ng mga kalahok ang kanilang cultural attire. Iba’t-ibang konsepto at disenyo ang umakit sa mata ng mga manonood dagdag pa ang husay ng mga kandidata sa pagdadala ng kasuotang ito. Nagmistulang nasa isang national festival ang entablado dahil sa magaganda at makukulay na kasuotan ng mga kandidata.

Bago ang awarding, naging tampok ang Prince of Pop na si Erik Santos na humarana sa mga kandidata. At sa pagtatapos ng gabi, kinilala bilang Best in Resort Wear si Miss Makati City at sina Miss Quezon City at Miss Bacolod City bilang 1st at 2nd Runner Up. Tinanghal naman na Best in Cultural Wear si Miss Municipality of Manaoag kasama si Miss Cebu City bilang 1st Runner Up at Miss San Juan City na nakamit ang 2nd Runner Up. Nasungkit naman ni Miss Bacolod City ang 3rd Runner Up at si Miss Batuan City ang 4th Runner Up.

Tumanggap din ng minor awards ng gabing iyon sina Miss Catarman na kinilala bilang Mutya ng Kalikasan at Miss Iriga City bilang Mutya ng Santacruzan. Sa kabilang dako, iginawad naman kay Miss Batangas City at Miss Calapan City na si Melanie Belina ang award na Miss LYF Center and Scale Body.

Hindi naman nawala ang presensya at patuloy na pagsuporta nina City Mayor Doy Leachon, Vice Mayor Jojo Perez, City Councilors, Department Heads at maging ni Provincial Governor Alfonso V. Umali. Jr.

Samantala, kaugnay ng naganap na Santacruzan noong ika-7 ng Mayo sa kahabaan ng JP Rizal Street, ginawaran din ng parangal sa mismong pageant night ang Top 5 na barangay na nanalo sa paggawa ng pinakamagandang arko. Nakamit ng Brgy. Sta. Maria Village (SMV) ang kampeyonato. Kasama rin sa nanalo ang Brgy. Lumangbayan bilang 1st Runner Up, Brgy. Comunal na nakuha ang 2nd Runner Up at ang Brgy. Bulusan sa 3rd Runner Up. Nasungkit naman ng Brgy. Sapul at Brgy. Bondoc ang 4th Runner Up. Ang mga nabanggit na nanalo ay tumanggap ng tropeyo at cash prizes.

 

Ang mga nag-host ng naturang cultural wear competition ay sina G. Maximo Closa, Jr., isang batikang host  sa Lungsod kasama sina Miss Philippines Earth 2011 Athena Imperial at Miss Philippines Fire 2011Michelle Gavagan.

Bukod sa nasabing mga aktibidad, nauna na ring isinagawa ang City Tour ng mga kandidata noong ika-7 ng Mayo. Naganap rin ang “KapaligiRUN” na isang fun run simula sa Provincial Capitol Grounds hanggang City Plaza at Harvesting Activity sa Brgy. Personas kasama ang mga kandidata noong ika-8 naman ng Mayo.

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*