Napapanahong Risk-Reduction Management Program, Isinagawa sa Lungsod ng Calapan

Dahil sa inisyatibo ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan na pinangunahan ni Mayor Doy C. Leachon at sa pagtutulungan ng City Public Safety Department (PSD) at Philippine National Red Cross (PNRC), ginising ang kamalayan ng mga Calapeño upang maging nature advocates sa isinagawang Disaster-Risk Reduction Seminar-Workshop noong March 28-30 sa ABC Hall.

Sa kabila ng pagkakaroon sa Lungsod ng mga ordinansa hinggil sa pangangalaga sa kalikasan, layunin ng hasikdiwa-palihan na ito na himukin ang bawat Calapeño upang umaksyon at pangalagaan ang kalikasan alinsunod sa programang Green Calapan.

Upang maitaas ang kaalaman ng mga Calapeño sa risk-reduction management, tinalakay sa seminar na ito ang mga hazards, natural man o gawa ng tao (human instigated). Itinuturing na ring disaster ang mga hindi sinasadyang gawain ng tao dahil sa lumalalang epekto nito sa mga mamamayan. Binigyang pansin din dito ang pagbubuo ng Medium Term Comprehensive Barangay Disaster Plan kung saan sila ay gumawa ng mga inisyal na hakbang na dapat gawin sa oras na dumating ang anumang uri ng kalamidad sa kanilang barangay.

Naging panauhing tagapagsalita si Gng. Soraida Ma. C. Tizon mula sa PNRC sa tatlong araw na aktibidad na dinaluhan ng humigit-kumulang sa 30 mga opisyal mula sa iba’t-ibang barangay ng Calapan.

Umaasa si Mayor Doy Leachon na maisasakatuparan ng mga nakilahok sa workshop na ito ang lahat ng bagay na kanilang natutunan upang maibahagi nila sa kanilang mga kabarangay ang mga paraan kung paano nila matiwasay na haharapin ang anumang uri ng kalamidad.

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*