CDK Corporation at City PESO, Nag-alok ng Trabaho sa Abroad Para sa mga calapeño
Upang mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayang Calapeño na libreng makapag-apply ng trabaho patungong abroad, isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa pamamagitan ng City Public Employment Services Office (PESO) ang isang Special Recruitment Activity (SRA) noong ika-11 ng Abril sa bagong City Hall, Barangay Guinobaatan.
Ayon kay City PESO Manager Marvin L. Panahon, katuwang ng City Government ang CDK International Manpower Services, Corporation na inirepresenta nina G. Francis Andal at G. Dindo Gallardo. Ang nasabing kumpanya ay nag-alok sa mga aplikante ng trabaho sa ibayong-dagat tulad ng cashiers, stockers, sales associates, fish mongers, butchers, department managers, administrative staff, sales associates, warehouse helpers, beauty consultants, store managers, assistant store managers at supervisors. Sinumang matatanggap sa trabaho ay maaring idestino sa Kuwait, Oman, United Arab Emirates (UAE), Qatar at Kingdom of Saudi Arabia.
Ang nasabing proyekto ay kabilang pa din sa inisyatibang proyekto ni Mayor Doy C. Leachon na naglalayong mabigyan ng isang libong trabaho kada taon ang mga Calapeño. Simula 2007 hanggang 2011 ay nakapagkaloob na nang may 7,000 ang administrasyong Leachon sa mga mamamayan ng Lungsod.



