Mga abugado sa Oriental Mindoro, tinututulan ang prangkisa ng Calapan Waterworks sa Senado

 

Imbestigasyon sa reklamo vs CWC isinampa din

 

 CALAPAN CITY – Matinding tinututulan ng isang samahan ng mga abogado sa Oriental Mindoro ang napipintong pagbibigay ng Senado ng prangkisa sa Calapan Waterworks Corporation (CWC).

 

Kasabay nito, hinihiling rin sa National Water Resources Board (NWRB) ng nasabing samahan – ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) – Oriental Mindoro Chapter – ang agaran at malalim na imbestigasyon sa CWC kaugnay sa napakaraming reklamo ng mga kumukonsumo ng tubig sa sentrong lungsod ng Calapan mula sa sobrang taas ng singil nito hanggang sa “hindi makataong pagtrato” ng nabanggit na kumpanya sa mga mamamayang sineserbisyuhan nito.

 

Sa isang sulat-petisyong ipinadala ng IBP dito, sa pangunguna ng pangulo nitong si Atty. Charlotte Aguba-Goco at opisyal at human rights lawyer na si Dante A. Manzo, kay Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. na siyang tagapangulo sa Senado ng committee on franchise, ipinahayag ng mga abogadong nabiblang sa naturang grupo ang matindi o mariin nilang pagtutol sa tuluyang pagbibigay ng prangkisa o solong karapatang mag-suplay ng tubig ng CWC dahil sa hindi na magandang serbisyo nito sa mga taga-Calapan.

 

Ipinaliwanag ng IBP kay Senador Revilla na lumalabag na umano ang CWC sa certificate of public convenience (CPC) na naunang naibigay sa kumpanya dahil sa taliwas nitong gawi sa pamamalakad ng serbisyo ng tubig na nagbibigay ng “inkonbinyente” sa mga mamamayang consumers nito.

 

Hayagang nilabag na rin umano ng CWC ang “Magna Carta of water convenience” dahil na rin sa mga sumbong o reklamong ipinararating sa IBP ng publiko kaugnay sa “hindi nito makataong” pagtrato sa mga nakakatanggap ng serbisyo nito.

 

Kaugnay rin nito, pormal nang inihain ng IBP-Oriental Mindoro Chapter ang kanilang resolusyon na humihiling sa NWRB, na pinamumunuan ni Executive Director Vicente S. Paragas, na magsagawa ang nasabign ahensya ng imbestigasyon kaugnay sa mga reklamo laban sa CWC at sa mga opisyales ng kumpanya.

 

Ilan sa mga reklamo laban sa CWC ay ang pagtataas nito ng singil sa tubig na umaabot na sa mahigit 80% sa orihinal nitong presyo mula nang makuha ng CWC ang prangkisa nito nang wala man lamang maayos o “tunay” na pampublikong pagdinig o public hearing para dito.

 

Isinasaad din sa resolusyon ng IBP ang mga reklamo sa naturang kumpanya ng tubig mula sa agaran nitong pagpuputol ng serbisyo sa hindi agad nakakabayad ng singil sa tubig at pagpapataw ng napakataas na multa sa mga konsyumer na inalisan ng serbisyo at muling magpapakabit nito.

Nais ding imbestigahan ng IBP kung papanong naidaos ng CWC ang public hearing sa NWRB nang wala man lamang oposisyon sa Sangguniang Panglungsod at administrasyon ng pamahalaang lungsod ng Calapan, at hindi naipaalam sa IBP na siya sanang kinatawan ng mga mamamayan dito.

 

Sa mga nasabing reklamo, petisyon at resolusyong nabanggit, hindi pa nagbibigay ng kanilang opisyal na kasagutan o pahayag ang CWC maging sa mga mamamahayag dito sa Calapan.

 

Ang CWC ay pag-aari ng Calapan Ventures Inc., isang sangay ng Jolliville Holdings Corporation na pinamumunuan ng majority stockholder nitong si Ginoong Jolly Ting.(Ni JUANCHO R. MAHUSAY)

 

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*