Cleanest At Greenest Schools Sa Lungsod, Pinarangalan
Bilang hakbang sa pagsusulong ng Green Calapan Program, muling idinaos ang ikalawang taon ng patimpalak para sa Most Productive, Cleanest and Greenest Elementary and Secondary School sa buong lungsod na sinalihan ng limang secondary at sampung elementary schools.
Hindi natinag sa unang pwesto ang Jose J. Leido Jr. Memorial National High School matapos nilang muling angkinin ang titulong pinakamalinis at pinakaluntiang pangsekondaryang paaralan. Nakamit naman ng Managpi National High School ang ikalawang pwesto samantalang pumangatlo ang Canubing National High School.
Pinatunayan naman ng Adriatico Memorial School ang pagmamahal sa kapaligiran matapos masungkit ang unang pwesto sa Elementary Level. Sinundan ito ng Camansihan Elementary School at Canubing I Elementary School sa ikalawa at ikatlong pwesto.
Maliban sa major awards, iginawad din ang ilang special recognitions tulad ng Most Improved School na naiuwi ng Personas Elementary School at Pedro V. Panaligan Memorial National High School. Itinanghal na Most Disciplined School ang Sambat-Simaron Elementaray School at Bucayao National High School. Pinarangalan ang Bulusan Elementary School at Nag-iba National High School bilang Most Resourceful Elementary at Secondary School.
Isinagawa nitong Lunes, Marso 19 ang awarding ceremony sa City Hall kung saan iginawad ang plake ng pagkilala at cash prizes na Php10,000; Php7,000 at Php5,000 mga nagkamit ng una, ikalawa at ikatlong pwesto. Tumanggap naman ng cash prize na PHP2,000 ang mga nagtamo ng special awards.
Ang nabanggit na proyekto ay bilang pagsuporta sa itinataguyod na bagong programa ng lungsod na Green Calapan sa pangunguna ni Vice Mayor CA Jojo Perez. Sa kaniyang mensahe, ipinaabot ni Vice Mayor Perez ang taos-pusong pasasalamat sa DepEd, maging sa mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan na nagbigay ng suporta upang maisakatuparan ang nasabing patimpalak.
Nagpakita rin ng suporta ang butihing Ama ng Lungsod nas si Hon. Paulino Salvador “Doy” Leachon sa naturang programa at inilahad ang mga kaugnay na gawain tulad ng pagbabawal ng plastic, No Littering at No Smoking Policies. Hinamon pa niya ang lahat ng dumalo na paghusayan at pagbutihin ang pagganap sa mga tungkulin nang sa ganun ay ipagpapatuloy na lamang ng mga susunod na henerasyon ang adbokasiya at simulain.
Comments (1)




Cleanest daw ang lemnahis . dyosko apat na taon ako dyan ! yung room namin nung 2nd year ako walang bintana puro pinto na . naconvert yung mga bintana sa pinto . tapos ang garbage dun sa likuran nagkalat . hay naku . unahan lang naman ang maganda dyan . yung library na sobrang linis kasi ayaw ipagamit ! pano madudumihan kung ayaw ipagamit ! ampft . tingnan nyo ang likod ng makita nyo . yung mga likod ng bleachers, mga classroom sa likod na parte lalo na yung sa zamora building, yung mga CR na hindi na magamit sa baho at dumi at kung minsan may mga tambak pa ng upuan at sandamakmak na basura . buhay nga naman . haist !