Mga Dating OFW Ng Calapan, Benepisyaryo Ng ‘Balik Pinay Balik Hanapbuhay’ Program Ng OWWA

POSTED: Thursday, January 12th, 2012

Upang bigyan ng bagong pag-asa at bagong pagkakakitaan ang mga Calapeño na dating Overseas Filipino Workers (OFWs), binigyang ng angkop na kaalaman sa pagluluto ang mga nasabing buhay na bayani ng bansa sa pamamagitan ng “Balik Pinay Balik Hanapbuhay Project” na isinagawa noong ika-24 hanggang 25 ng Nobyembre sa Technology Livelihood Development Center ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, Brgy. Ibaba East, Calapan City.

Sa pangunguna ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at sa pakikipagtulungan ng City Public Employment and Services Office (PESO), inilunsad ang “Balik Pinay Balik Hanapbuhay Project sa Lungsod ng Calapan kung saan ang mga OFWs na ‘di nakatapos ng kontrata; pinauwi ng employer; at mga biktima ng illegal recruitment at abusadong employer ay binibigyan ng pagsasanay at kaalaman sa iba’t-ibang hanapbuhay upang magkaroon sila ng pagkakakitaan.

Ayon kay Tristan Perez, OWWA Family Welfare Officer Region 4-B, ang mga ganitong sitwasyon ng OFW ang tinututukan ng kanilang opisina. Dagdag pa niya, bagamat Skills training at home-based ang aktibidad na ito, malaking katulungan ito sa kanilang pamumuhay kung paghuhusayan nila at pagsisikapan ang kanilang natutunan. .

15 dating OFWs na kababaihan ang nakilahok sa nasabing aktibidad. Kabilang sa dalawang araw na pagsasanay ang skills training in food processing kung saan tinuruan sila ng mga pamamaraan sa pagluluto ng embotido, tocino, longganisa, burger patties, morcon, siomai at bacon.

Pinagkalooban din sila ng kitchen and training kits na naglalaman ng kutsilyo, chopping board, spatula, measuring cup at bowls, egg shaper at recipe manual. Magagamit nila ito upang  makapagtaguyod sila ng sarili nilang mapagkakakitaang hanap-buhay kahit sa maliit na puhunan lamang.

Higit namang naging makabuluhan ang proyekto nang bumisita si City PESO Manager Marvin L. Panahon. Sa kaniyang mensahe, hinikayat niya ang mga benepisyaryo na pahalagahan ang kanilang mga natutunan sa pagsasanay maging ang mga kagamitang ipinagkaloob sa kanila. Aniya, ito ang simpleng paraan ng pamahalaan upang kahit papaano ay makatulong sa mga Calapeño na nangangailangan ng trabaho upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

Malaki ang pasasalamat ng mga ex-OFWs sa suportang ipinagkaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa pamumuno ni Mayor Doy Leachon. Ikinagagalak nila ang mahusay na pagsasanay na higit na makakatulong sa kanila upang masuportahan ang kani-kanilang pamilya.

Tags: , ,

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*