Mayor Leachon, Pinarangalan Bilang Isa Sa The Outstanding Young Men Ng Pilipinas Para Sa 2011

POSTED: Wednesday, December 14th, 2011

Pangulong Noynoy Aquino, iginawad ang parangal sa Malacanang Palace

Bilang pagkilala sa mga taong naging kasangkapan ng magagandang pagbabago, iginawad ni Pangulong Benigno S. Aquino, III noong ika-7 ng Disyembre sa Malacanang Palace ang The Outstanding Young Men (TOYM) Awards 2011 para sa pitong indibidwal na nagpakita ng kapansin-pansin na galing sa pamumuno sa kani-kaniyang larangan kabilang si Atty. Paulino Salvador “Doy” C. Leachon, Punong Lungsod ng  Calapan, para sa kategoryang Community Development.

“Every year, we recognize the outstanding young Filipinos, who have not only gone on to fruitful careers in their chosen fields, but who have also committed themselves to effect meaningful change in our society,” banggit ni Pangulong Aquino sa awarding ceremony na ginanap sa Malacanang.   “You represent the best of your generation, and it is a privilege to be able to personally confer this honor on all of you,” buong pagmamalaki pang idinagdag ng Pangulo.

Si Mayor Leachon ay napili bilang isa sa mga pinal na pinarangalan mula sa 149 na mga nominado sa buong Pilipinas. Hinangaan siya ng mga hurado sa nasabing prestihiyoso at maituturing na pinakamataas na parangal na maaaring matanggap ng isang Pilipino sa sariling bansa, dahil sa kaniyang mga sakripisyo sa buhay at mapagpakumbabang pinagmulan bilang isang working student noon sa isang kilalang fast food chain hanggang sa naging taxi driver upang suportahan ang kaniyang pag-aaral ng abogasiya at pagtataguyod ng isang pamilya sa batang edad. Nang lumaon ay nagbukas sa kaniya ang magagandang oportunidad na naging dahilan upang ilaan niya ang kaniyang sarili sa serbisyo publiko at naging Alkalde ng Lungsod ng Calapan simula noong 2007 hanggang sa kasalukuyan.

Napili din ng mga hurado si Mayor Leachon dahil sa kaniyang prinsipyo na “ang paglilingkod ay hindi dapat naka-base sa pagtangkilik sa isang tao o pulitiko” tulad ng ehemplo na kaniyang ipinakikita sa Calapan. Katunayan, sa mga proyekto na kaniyang ipinagagawa sa lungsod, hindi kailanman ibinandera ang kaniyang pangalan sa mga billboards o signages sapagkat kinikilala niya na ang pondo na ginagamit sa mga proyektong ito ay nagmula sa kaban ng bayan at hindi sa kaniyang sariling bulsa.

Mataas din ang pag-asa ng mga hurado sa Punong Lungsod dahil sa kaniyang pagpapatupad ng transformational politics na isa sa mga naging daan upang kilalanin ang Calapan bilang isa sa 10 Most Competitive Cities of the Philippines noong 2008. Ang kaniyang husay din sa community service o palilingkod sa komunidad ay pinuri sapagkat naging dahilan ito upang matagumpay na maipatupad ang Discipline City Program sa syudad. Binigyang pansin din ng  mga hurado ang napakaraming parangal na inani ng Calapan sa ilalim ng pamumuno  ni Mayor Leachon.

Ang lahat ng mga nominado ay dumaan sa masusing pagsasala ng pitong miyembro ng Board of Judges na mga kilala at hinahangaan hindi lamang sa Pilipinas ngunit maging sa ibang bansa. Serye ng panel interviews ang kanilang dinaanan sa harap nina Hon. Maria Lourdes P. A. Sereno, Supreme Court Associate Justice; Mr. Johnlou C. Koa, 1996 TOYM Honoree for Entrepreneurship; Ms. Feny Delos Angeles-Bautista, 1993 TOYM Honoree for Social Education; Ms. Maria Angelita Ressa, 2002 TOYM  Honoree for International Broadcasting; Mr. Manuel D. Baldemor, Multi-awarded Artist; Mr. Vergel O. Santos, Chairman of Business World Editorial Board; and Mr. Antonio S. Lopez, President of Biznews Asia Magazine.

Bukod kay Atty. Leachon, ang iba pang pinarangalan sa TOYM 2011 ay sina Ms. Maria Antonia G. Arroyo, anak ni Sen. Joker Arroyo para sa kategoryang Biotechnology Industry Advocacy; Mr. Gerard Joseph I. Salonga, kapatid ng sikat na singer na si Lea Salonga para sa Arts/Music; Dr. Raul V. Destura sa Medical Science na isang kilalang doktor at molecular biologist; Mr. Edgar J. Sia II na siyang “Mang Inasal” food franchise founder para sa kategoryang Entrepreneurship; Mr. Anthonio L. Tiu, ang chairman ng AgriNurture Inc., ang pinakamalaking supplier ng prutas at gulay ng Shoemart groceries at malls sa buong bansa para sa kategoryang Agri-Entrepreneurship; at si Mayor Sherwin T. Gatchalian na third-term mayor ng Valenzuela  City para sa Public Service.

Ang TOYM ay inisyatiba ng Junior Chamber International-Philippines (Philippine Jaycees) na may layuning magbigay ng pambansang rekognisyon sa mga batang kababaihan at kalalakihan na edad 18-40, dahil sa kanilang hindi makasariling didikasyon sa kanilang propesyon o bokasyon na nagresulta sa mga mahahalagang kontribusyon para sa kagalingan ng kanilang mga kababayan at sa pagpapaunlad ng larangan na kanilang kinabibilangan.

Tags: , ,

Share

Comments (1)

 

  1. Antonio says:

    Isa lang ang reaksyon ko after kong bhaisan ito, MISMO! Paano magtatanim ng mga puno kung wala na talagang mapagtataniman?? Kung tutuusin kasi, sangay-sangay na itong problema na to eh. Bakit ba nakakalbo ang mga kabundukan? Dahil kailangan ng resources ng tao. Kahoy, bato pati lupa, ibebenta. Lahat ng ito eh sa mga kabundukan lang makukuha. Yung ibang bundok naman, kinakalbo para pagtayuan ng mga establishments at mga pabahay. Ibig lang sabihin nito, may kinalaman dito ang lumulobong populasyon ng bansa natin. Sana lang, kung may kinuha tayo sa ating INANG KALIKASAN, matuto tayong magbalik.

Leave a Reply

Connect with Facebook

*