Pag-alaga Sa Kalikasan Tinutukan Ng 1st Regional Assembly Ng PCL – MIMAROPA Chapter

POSTED: Saturday, November 19th, 2011

Ginanap ang kauna-unahang Regional Assembly ng Philippine Councilors’ League (PCL) MIMAROPA Chapter sa bayan ng Puerto Galera, Oriental Mindoro noong ika 11-13 ng Nobyembre 2011 na may

Sa pangunguna ni Councilor Gideon Abuel, Regional Chairman ng PCL, naging matagumpay ang nasabing pagtitipon na  aktibong dinaluhan ng mga konsehal mula sa lalawigan ng Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan. Kabilang din ang mga konsehal mula sa lungsod ng Puerto Prinsesa at Calapan.

Sa temang “Safeguarding the Environment, Protecting our Future,” pinag-usapan sa assembly ang kapakanan ng kani-kanilang lalawigan at lungsod ayon sa mga programang may pangangalaga sa kalikasan. Isa sa naging halimbawa ang programang ‘Green Calapan’ ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa pamumuno ni Mayor Doy Leachon at ni Green Calapan Chairman CA Jojo S. Perez na siya ring Vice-Mayor ng lungsod.

Ipinakilala si Mayor Leachon sa pagtitipon bilang isang environmentalist dahilan sa mga ordinansang ipinatutupad sa Calapan na nangangalaga sa kalikasan. Nagbigay din siya ng mensahe bilang keynote speaker ng programa. Aniya, “Walang saysay lahat ng programa kung patuloy namang nasisira ang kalikasan.” Binanggit niya ang iba’t-ibang makabuluhang proyekto ng ”Green Calapan” na hindi lamang nagbibigay proteksyon sa kalikasan ngunit malaking tulong din sa patuloy ng pag-unlad ng Lungsod. Kabilang dito ang Monthly Linis Lungsod, Monthly Earth Hour, No Smoking Campaign, Non-Plastic Day, pagtatayo ng Materials Recovery Facility (MRF) sa bawat barangay ng syudad at Tree Planting. Pinasalamatan din niya si Vice Mayor Perez dahil sa mahusay nitong pamumuno sa Sangguniang Panlungsod ng Calapan at sa epektibong implementasyon ng programang ”Green Calapan.”

Nagbigay din ng mensahe si Mayor Hubbert Dolor ng Puerto Galera at si Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali, Jr.  na nagpaunlak ng mainit nilang pagtanggap sa mga panauhin. Bukod sa usaping makakalikasan, kinilala ng panauhing pandangal na si DENR Assistant Secretary Regidor De Leon ang kahalagahan ng konseho bilang importanteng sektor ng lokal na pamahalaan. Banggit niya, sa Legislative Committee nag-uugat ang mga programa at proyekto bago pa man ito tumuloy sa implementasyon ng Executive Committee. Kaya’t mainam ang pagkakaroon ng isinagawang assembly ng mga konsehal sa buong Mimaropa Region upang maibahagi nila ang kani-kanilang paraan ng pamumuno at mahusay na pagpapatupad ng mga ordinansa mula sa kani-kanilang lalawigan o lungsod.

Labis na ikinagalak ng mga panauhing konsehal ang mahusay na pag-host ng lalawigan ng Oriental Mindoro. Pinasalamatan din nila ang isa’t-isa sa pakikibahagi ng kanilang mga kaalaman ukol sa lehislatibong usapin.  Sa kabuuan, naging matagumpay ang 1st Regional Assembly ng Philippine Councilors’ League (PCL) MIMAROPA Chapter na nagtapos sa isang kahanga-hangang pagtatanghal ng mga estudyante ng Dalubhasaan ng Lungsod ng Calapan.

Tags: ,

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*