Makabagong Kagamitan Sa Pangingisda, Ipinamahagi Sa Barangay Ibaba

POSTED: Saturday, November 12th, 2011

Upang maiwasto ang pamamaraan ng pangingisda at mapaunlad ang kabuhayan, naghandog ng 18 motor engines ang Fishery Management Office o FMO sa mga mangingisda ng Barangay Ibaba West noong ika-8 ng Oktubre 2011.

Layunin ng FMO sa pamumuno ni Fishery Management Officer Virgil Cantos na bigyan ng gabay ang mga mangingisda at hikayatin sila na itigil ang paggamit ng compressor – isang breathing apparatus o kagamitan na nagbibigay ng hangin o oxygen sa ilalim ng tubig. Bagama’t nakakagamit ng oxygen sa ilalim ng tubig, ilegal ito sapagkat delikado ito sa kalusugan ng mangingisda. Una, sinisira nito ang baga ng isang tao at pangalawa, hindi kaya ng katawan ang pressure sa ilalim ng dagat at maari nitong sirain ang pandinig ng mga mangingisda. Bukod sa sa masamang naidudulot nito sa kalusugan ng tao, ang paggamit ng compressor ay nakakasira din ng tinitirahan ng mga isda. Ang pa-aling o ang paggamit ng bula mula sa air compressor upang bugawin ang mga isda papunta sa lambat ay nagiging dahilan upang mahablot at masira din ng mga corals sa ilalim ng dagat.

Kakulangan sa kagamitan ang isa sa mga rason kung bakit patuloy pa rin ang mga mangingisda sa paggamit ng paraang pa-aling. Kaya’t sa pamamagitan ng tulong mula sa Pamahalaang Lungsod ng Calapan, hinandugan ang mga mangingisda ng Barangay Ibaba West ng makina para sa kanilang mga bangka, mga lambat, palutang at nylon upang iwasan na ang ilegal na pamamaraan ng pangingisda.

Ayon kay Punong Lungsod Doy Leachon, hindi nararapat na isakripisyo ang kalusugan para sa kabuhayan na walang katiyakan sa pag-asenso. Naniniwala siya na sa pamamagitan ng tulong mula sa FMO, mapapaunlad ng mga mangingisda ang kanilang kabuhayan at makakatulong pa Pamahalaang Lungsod ng Calapan.

Suportado din ni Vice Mayor Jojo S. Perez ang aktibidad sapagkat aniya, tungkulin ng mga mangingisda ang pangalagaan ang kalikasan. Layunin ng kanyang programang ‘Green Calapan’ ang pagkakaroon ng kamalayan sa pag-aaruga sa kalikasan.

Labis ang pasasalamant ng mga mangingisda ng Ibaba West sa benepisyong kanilang tinanggap. Nahikayat din sila sa anyaya ni Mayor Doy na magtatag ng kooperatiba. Hindi man sila makapangisda kapag masama ang panahaon at malakas ang alon, may mapagkukuhanan pa rin sila ng dagdag kitang pangkabuhayan sa pamamagitan ng kanilang itatayong kooperatiba.

Tags: ,

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*