Maayos at kongkreto na ang daan sa buong National Highway sa bayan ng Puerto Galera

POSTED: Friday, September 16th, 2011

CALAPAN CITY – Mabilis at maayos nang makakabyahe ang mga sasakyan at sinumang motorista patungo sa bayan ng Puerto Galera.

Ito ay matapos na pasinayaan at makumpleto ang huling bahagi ng may 7.7 kilometrong Dulangan-Villaflor sa nasabing bayan na tinatawag na Puerto Galera National Highway Road Concreting Project.

Nitong Agosto 26, pinangunahan ni First District Congressman Rodolfo G. Valencia, K4 President Nico Valencia at ng mga alkalde ng apektadong mga bayan na sina Baco Mayor Graciano Dela Chica, San Teodoro Apollo Feraren, at Puerto Galera Mayor Hubbert Dolor ang pormal na pagbubukas at pagbabasbas ng nasabing kahabaan ng daan na siyang kumumpleto sa bahagi ng Nautical Highway ng Oriental Mindoro patungo sa mismong bayan ng Puerto Galera.

Dumalo rin sa inagurasyon ng nasabing daan bilang pakikiisa si Victoria Mayor Alfredo Ortega, Jr. at ang iba pang mga pinuno ng konsernadong pamahalaang lokal at nasyunal at pribadong sektor.

Sa simpleng programang isinagawa bilang bahagi ng pasinaya, sinabi ni Congressman Valencia na sa pagtatapos ng pagawain ng proyektong Puerto Galera National Road, ganap nang mapapabilis ang biyahe patungo at galing sa Puerto Galera, na siyang sentro ng turismo sa lalawigan.  Ang natapos na 7.7-kilometer na Dulangan-Villaflor Road ay ginastusan ng pamahalaan ng P23 milyon mula sa inisyatiba ng tanggapan ng kongresista.

Sa kabuuan umano, umabot sa may P700 milyon ang halaga ng nakumpletong national road mula sa bayan ng Baco hanggang sa Puerto Galera.  Bahagi rin ito ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Valencia, sa pakikipag-ugnayan naman ng K4 (Kinabukasan, Kaunlaran, Kabuhayan at Kalikasan) Movement na pinamumunuan ni Nico P. Valencia.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga alkaldeng mabibiyayaan ng mas mabilis na biyahe patungo at galing sa Puerto Galera.  Ayon kay Mayor Dolor, sobra-sobra na ang biyayang natatanggap at matatanggap pa ng kanyang bayan lalo na sa pagiging mabilis ng transportasyon dahil sa kongkreto nang Puerto Galera National Highway.

Bukod sa pagpapasalamat sa pagkakaroon ng isang maayos na daan, kinuha rin ng mayor ng Puerto Galera ang pagkakataon para pasalamatan ang mag-amang Valencia sa pagpapalabas kamakailan ng K4 ng P50,000 educational assistance sa naturang bayan.  (JRM)

Tags: , ,

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*