435 ilegal open dumpsites, ibinunyag

QUEZON CITY, Setyembre 8 (PIA) — Sa kabila nang panganib na dulot nito sa kalusugan at kaligtasan, ibinunyag nitong Huwebes ng isang opisyal ng National Solid Waste Management Commission (NSWMC) na mayroon pa rin 435 open and controlled dumpsite na ilegal na minimintena sa bansa.

Gayunpaman, sa ginanap na Talking Points program ng Radyo ng Bayan, PTV4, at Philippine Information Agency, tiniyak din ni NSWMC Deputy Executive Director Eli Ildefonso na naipadala na ng kanilang ahensya ang mga “final warning” sa mga kinauukulang lokal na pamahalaan para ipahinto ang operasyon ng mga ito at sumunod sa probisyon ng Ecological Solid Waste Management Act (Republic Act 9003).

Ani Ildefonso, dapat noon pang 2006 ipinasara ang mga open dumpsite. Subalit dahil sa napakalaking halagang kakailanganin sa pagpapagawa at operasyon ng sanitary landfill, mas pinipili ng ilang LGU na ipagpalit na lamang ang kaligtasan ng kanilang mamamayan kaysa sa malinis na kapaligiran.

Sa paglabag sa batas ng ilang opisyal, tinukoy nito ang pagkabaon ng buhay ng may 300 residente sa Payatas ng gumuho ang bundok ng basura 11-taon na ang nakalipas, at ang naganap kamakailan na “trash slide” sa Irisan Baguio dumpsite na nagresulta sa pagkamatay ng anim na katao sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Mina.

Aniya, mas makabubuting sanitary landfill na lamang ang gamiting pamamaraan ng solid waste management dahil bukod sa pinaliliit nito ang volume ng basura at mapagkukunan ng enerhiya ang mga nabubulok na basura, ay pinipigilan din nito ang kontaminsyon ng tubig sa ilalim ng lupa.

Sa kasalukuyan daw ay may 36 engineered sanitary landfill sa bansa na maaari pang madagdagan ng 63 sa lalong madaling panahon.

Sinabi ng opisyal na nakahanda rin silang magbigay ng technical assistance sa mga operator ng sanitary landfill upang matiyak na makasusunod ang mga ito sa mahigpit na pamantayan.

Bukod pa rito, umapela rin ang opisyal sa publiko na ugaliin ang 3R–reduce, re-use at recycle at paghihiwalay ng mga panapon sa kanilang bahay pa lamang at tiyak na mababawasan agad ng kalahati ang may 40,000 toneladang basurang nagmumula sa bansa kada araw. (RJB/JCP-PIA NCR/PIA-CALAPAN CITY)

Tags: ,

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*