Makulay Na Buwan Ng Wika, Ginanap Sa DLC

Kapansin-pansin ang sigla at kulay ng Dalubhasaan ng Lungsod ng Calapan (DLC) sa paggunita nito sa Buwan ng Wika na ginanap nitong nakalipas na ika-18 hanggang 19 ng Agosto.

Suot ang tradisyonal na baro’t saya at barong tagalog, binigyang buhay ng mga mag-aaral at guro ng DLC ang pagdiriwang ng nasabing aktibidad na may temang “Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa matuwid na landas.”  Dagdag pa dito, nagtayo din ng mga kubo ang bawat departamento ng nasabing kolehiyo kung saan nagtagisan ng galing sa pagluluto ng mga kakanin at mga Lutong Pinoy ang mga estudyante.

Sa unang araw ng aktibidad ginanap ang  iba’t-ibang patimpalak na kinapalooban ng  Dalawahang Tinig o pag-awit ng duet sa mga makalumang kanta; Tagis Talino, isang paligsahan tungkol sa wikang pambansa at sa mga tribyang makasaysayan; Katutubong Sayaw;  at  ang Ginoo at Binibining Buwan ng Wika kung saan ang mga partisipante ay biglaang pinili ayon sa kanilang kisig, ganda at kasuotan.

Sa ikalawang araw naman ginanap ang Laro ng Lahi o paligsahan ng larong Pinoy. Kabilang dito ang basag palayok, patentero, hulihan ng pato at iba pa.  Pinarangalan din ang mga nanalo sa mga palaro at paligsahan na ginanap sa unang araw.

Sa kabuoan, masasabing matagumpay ang buong aktibidad na pinangasiwaan ng Filipino Department sa pamumuno ni Bb. Frian Dimaano. “Tunay na nabigyan ng halaga ang pagunita sa Buwan ng Wika at sana ay mapanatili ito ng mga mag-aaral DLC” ani Bb. Dimaano.

Tags: ,

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*