A CITY OF DISCIPLINE AND UNITY BY 2016 Nais Makamtan Ng Pamahalaang Lungsod Para Sa Bagong Calapan
Lungsod pumasa sa PGS Inititation Pre-revalida ng Institute for Solidarity in Asia
Sa patuloy na paghahangad ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan (PLC) na higit na pagbutihin ang pagbibigay nito ng serbisyo publiko at matupad ang pangarap nito na ang lungsod ay maging “A City of Discipline and Unity by 2016,” pumasa ito sa katatapos lamang na Stakeholder Validation and Consultation, Performance Governance System (PGS) Initiation Pre-revalida sa pangunguna ng Institute for Solidarity in Asia (ISA). Ginanap ito noong ika-23 ng Agosto sa Sangguniang Panlungsod Session Hall, Brgy. Guinobatan, Lungsod ng Calapan.
Ang ISA ay isang public governance reform institute na may layuning sanayin at hasain ang kakayahan at galing sa pamamalakad ng pamahalaan o anumang ahensiya kasama ang mga bumubuo sa ibat-ibang sektor sa lipunan gaya ng edukasyon, negosyo o kabuhayan, agrikultura, kabataan, kababaihan at iba pa.
Sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng ISA at PLC na nilagdaan noong Pebrero 2011, napagkasunduang sasailalim ang PLC sa apat na taong pagsasanay at palihan upang makabuo ng isang Road Map na tatahakin ng lungsod tungo sa lubos na kaunlaran sa 2016.

Kasama ang ibat-ibang sektor sa Lungsod ng Calapan, bubuo din ng mga estratehiya at mga inobatibong programa at proyekto na direktang sasagot sa mga pangangailangan at suliranin ng mga mamamayan ng syudad.
Sa naganap na PGS Pre-revalida, pinangunahan ni Urban Planning and Development Coordinator at Calapan City ISA Focal Person na si G. Marvin L. Panahon ang paglalahad ng Activity Overview. Mismong si Mayor Doy C. Leachon naman ang nagpresenta ng Governance Scorecard na kinapapalooban ng 27 measures at 14 na Strategic Initiatives (programa at proyekto) sa mga miyembro ng panel. Pinangungunahan ang panel nina ISA Chairman at dating Secretary of Finance Jesus P. Estanislao, ISA President Francisco Eizmendi at Atty. Marlon R. Marquez na siyang Projects and Programs Director ng Institute of Corporate Directors. Kasama din sina G. Honrado Vega na representante ng media sector, G. Victor Ulayan, Sr. ng agriculture sector, Bb. Doris Melgar ng civil society, Vice-Mayor Jojo. S. Perez, mga City Councilors na sina Hon. Joey Leynes, Hon. Federico Cabailo, Hon. Girlie Ignacio, Hon. Roy Raquepo at Hon. Jojie Malapitan. Pinagtuunan din ng pansin ni Mayor Leachon sa kanyang presentasyon ang mga paksang PGS Story of Calapan, The Governance Charter Statement at Strategy Map. Inilahad naman ni Project Evaluation Officer III Lea B. Carpio ang Early Gains through the PGS at Plans Moving Forward.
Sa pagtutulungan ng pamahalaan at iba’t-ibang sektor sa lungsod, kabilang sa mga nakathang programa at proyekto tungo sa kaunlaran ng lungsod sa taong 2016 ay ang:
(1) City Hall @ Your Service
(2) Orange Card Plus
(3) Masigasig Kalap Buwis (Tax Enforcement)
(4) Daan-Daan Proyekto Para sa Kaunlaran (Calapan Radial and Circumferential Road)
(5) “BAHAY NI JUAN SA BAGONG CALAPAN” Housing Project
(6) Green Calapan
(7) Ipagmamalaki Ko, Calapeño Ako!
(8) Pook Himlayan sa Bagong Calapan
(9) Kapag Disiplinado, Aasenso Program (KDAP)
(10) La Marita Residencia de Calapan (Employees’ Village Project)
(11) ISO Certification
(12) Modern & Environment-Friendly Slaughterhouse
(13) Competency-based employment, promotion and reorganization
(14) SAGIP CALAPAN (Sustainable Access to Government Immediate Protection Program of Calapan)
Matapos ang pagbibigay ng mga suhestiyon at puna ng mga miymebro ng panel ukol sa presentasyon ng Punong Lungsod, nakakuha ng pasadong marka na 7.63 ang Calapan. Nakatakdang sumailalim naman sa pinal na presentasyon ang lungsod sa harap ng mga local and international experts sa September 2011 Public Governance Forum na gaganapin sa Maynila.
Pinangunahan naman ni Vice-Mayor Jojo S. Perez ang Commitment Ceremony kung saan sama-samang sumumpa ang mga partisipante at mga bisita upang masiguro ang tagumpay ng kanilang adhikain at makamit ang Ang Bagong Calapan Vision: The model city of the country as a center of good governance with united and productive Calapeños.
Tags: Bagong Calapan, Doy Leachon



