‘Text-SSS’ umani ng award mula sa Computerworld

MANILA, July 7 (PIA) — Dahil sa mabisang paggamit nito ng information technology (IT) upang matulungan ang libu-libong miyembro nito, tumanggap kamakailan ang “Text-SSS”, isang short messagaging o text service hatid ng Social Security System (SSS), ng pagkilala mula sa isang global media corporation na naka-base sa Estados Unidos.

Sa idinaos na Communication and News Exchange (CNEX) Forum sa tanggapan ng Philippine Information Agency sa Quezon City, masayang ibinalita ni SSS president at CEO Emilio De Quiros Jr. na ginawaran ang Text-SSS ng Computerworld–isang international media firm na naghahatid ng IT-related news at impormasyon sa may 3.5 milyong online members kada buwan–ng “2011 Honors Laureate” dahil sa “visionary application of information technology” ng ahensiya.

Kinilala raw ng Computerworld ang Text-SSS dahil sa pamamagitan lamang ng cellphone ay nalalaman ng miyembro ang bilang ng kontribusyon at loan record nito.

Personal na tinanggap ni De Quiros ang award mula sa Computerworld sa Washington, D.C. nitong nakaraang buwan.

Aniya, ang pagkilala ng Computerworld ay isa lamang patunay sa tagumpay ng Text-SSS sa paghahatid ng security services sa mga miyembro nito sa bansa, na tinagurian ding ‘Text Capital of the World’ dahil sa hilig ng mga Pilipino sa pagte-text.

Ang Text-SSS ay inilunsad nitong Pebrero 2010 upang mabigyang pagkakataon ang mga miyembrong mabilisang ma-check ang kanilang kontribusyon sa ahensya, loan application at balanse sa pagkaka-utang.

Base sa datos ng SSS, nitong May 2011 ay umabot sa 130,000 miyembro ang nagpa-rehistro na sa Text-SSS.

Ibinalita pa ni De Quiros na balak nilang palawakin ang serbisyong hatid ng Text-SSS upang maisama ang pagbibigay impormasyon hinggil sa benefit eligibility at claim status, mga lokasyon ng SSS servicing branch sa buong bansa at mga kakailanganing dokumento sakaling magaaplay ng benefit application.

Gayundin, aniya, balak nilang gawin na sa pamamagitan ng text ay matatanggap agad ng kanilang miyembro ang mga paalala hinggil sa kanilang utang at aplikasyon para sa benepisyo sa halip na sa pamamagitan ng koreyo.

Sa lalong madaling panahon ay gusto rin naming, sa pamamagitan ng Text-SSS, mapadali ang pagbeberipika ng miyembro kung magkano na ang naihulog ng kanyang employer at kung kwalipikado na silang tumanggap ng SSS benepisyo at utang, idinagdag pa ng opisyal.

Upang magamit ang Text-SSS, kailangan munang magparehistro ng miyembro sa pamamagitan ng pagta-type ng “SSS REG” kasunod ang social security number, araw ng kapanganakana at pangalan ng miyembro at ipadala sa 2600 upang makatanggap ng “PIN code” na siyang kakailanganin para sa iba pang transaksyon. (RJB/JCP-PIA NCR/PIA-MIMAROPA)

Tags: ,

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*