Tamang Paraan Ng Pagtatapon At Paghihiwalay Ng Basura Mas Mahigpit Na Ipatutupad Sa Calapan

POSTED: Monday, June 13th, 2011

Dahil sa mas tumitinding epekto ng climate change at global warming hindi lamang sa bansa ngunit sa buong mundo, mas mahigpit nang ipatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan ang Republic Act 9003 na tututok sa wastong pagtatapon at pagbubukod-bukod o segregation ng mga basura sa buong lungsod.

Ngayong buwan ng Hunyo ay nagsisimula na ang dry-run para sa wastong pagtatapon at pagbubukod-bukod ng mga nabubulok at di-nabubulok basura sa buong lungsod. Ang nabanggit na mahigpit na implementasyon ng proyekto ay ayon din sa inilunsad na Green Calapan Program sa pangunguna ni City Vice Mayor Jojo S. Perez kasama si City Environment and Natural Resources Officer Wilfredo G. Landicho. Layunin ng Green Calapan Program at Republic Act 9003 na mapanatili ang kalinisan at mapangalagaan ang kalikasan sa Discipline City. Sakop ng alituntuning ito ang 62 barangay ng Lungsod ng Calapan kabilang ang mga tahanan, mga subdibisyon at mga pribado at pampublikong opisina at establisimiyento.

Ang mga sumusunod ang halimbawa ng mga NABUBULOK (N) na basura:

NABUBULOK (N)
Tira-tirang pagkain gaya ng kanin, isda, gulay, karne at mga buto
Mga balat ng prutas, gulay, rekado, atbp
Basura mula sa mga hardin o halamanan
Soft tissue pads at papel

Samantala, nasa kategoryang DI-NABUBULOK (DN) naman ang mga sumusunod:

DI-NABUBULOK (D-N)
Cardboard, makakapal na papel, used stationery
Baso, bote, slides, basag na salamin, lumang baterya at sirang electric bulb
Lumang damit, plastic bag, sako
Plastic cups, containers o galon, styrofoam, bag wrapper
Rubber bands at strips, exterior at interior tires
Metals – aluminum, steel, tin cans, pipes, staple wires, bottle caps, strips, etc.

Kaugnay nito, magkakaroon ng Barangay Waste Management Committee na kabibilangan ng Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson; Sangguniang Barangay Chairman ng Committee on Environment; Environmental NGO Representative; Church Organization Representative; Principal of School; Recycling Movement Representative; PTA Representative at Presidente ng Vendors Association. Ang komite ang naatasang manguna sa pagpapatupad ng mga alituntunin ng waste management program sa syudad.

Nakapaloob din sa Rule 11, Section 6 ng Republic Act 9003 ang pagbabawal sa pagtatapon o pagtatambak ng anumang uri ng basura sa mga pampublikong lugar gaya ng mga daan; sidewalks; bakanteng lote; kanal; estero at parke; harapan ng establisyemento; maging sa baybay ilog at coastal areas.  Bahagi din nito ang pagbibigay ng citation ticket sa sinumang lalabag sa mga probisyon. Sasailalim sa isang lecture sa pamamagitan ng City Environment and Natural Resources Department (CENRO) at magbayad ng dalawang-daang piso (P 200.00) sa City Treasury Department (CTD) ang sinumang mahuhuli sa unang paglabag.

May kaukulang P 1, 000.00 multa naman para sa ikalawang paglabag at pagkakakulong ng hindi lalampas sa 15 araw. May multang P 2, 500.00 o pagkakakulong ng 30 araw o parehong kaparusahan sa ikatlo at susunod pang mga paglabag depende sa pagpapasya ng korte.

Sa kasalukuyan ay matamang pinaplano at pinag-uusapan pa din ang mga mahahalagang detalye ng pagpapatupad ng bagong sistema ng pagtatapon ng basura sa Calapan mula sa mga tahanan at sa mga business establishments.

Inaasahang sa buwan ng Agosto ay tuluyan nang ipapatupad ng mahigpit ang waste segregation at source sa buong Lungsod ng Calapan.

Tags: , ,

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*