Cruzado Ng Brgy. Puting Tubig May Pinakamaraming Ani Sa Katatapos Na Taniman
Pamahalaang Lungsod, tuluy-tuloy ang pagsusulong sa Agro-Tourism
Panalo ang Barangay Puting Tubig sa nakaraang patimpalak ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan sa paramihan ng aning palay na pinangunahan ng City Agricultural Services Department.
Sa layuning maisulong ang agro-tourism sa Lungsod ng Calapan, pinangunahan ni City Agriculturist Carlos Domingo ang proyekto upang mahikayat ang mga magsasakang Calapeño na mas maparami pa ang kanilang ani. Sumubok sa iba’t-ibang klase o variety ng palay ang mga magsasaka na kanilang ginamit sa nasabing patimpalak.
Sa temang “Huwarang Magsasaka ng Bagong Calapan,” binuo ng dalawang kategorya ang nasabing patimpalak: ang (1) In-Bred Category at (2) Hybrid Category. Nilahukan ng siyam na magsasaka ang In-Bred Category mula sa Barangay Puting Tubig, Sta. Isabel, Comunal, Masipit, Sta. Rita at Nag-iba I. Panalo dito si G. Esperidion T. Cruzado, Sr. ng Puting Tubig gamit ang IR-42 variety ng palay kung saan umani siya ng may 151 na kaban kada ektarya kontra sa 150 kaban na target.
Wala mang nagwagi sa Hybrid Category, nanguna naman dito si G. Christoper A. Luzon ng Barangay Pachoca gamit ang variety na Bigante at umani ng may 172 na kaban kada ektarya kontra 180 kaban na target. Nilahukan naman ang kategoryang ito ng 15 magsasaka mula Barangay Personas, Comunal, Baruyan, Sta. Isabel, Guinobatan, Sapul, Masipit, Balingayan, at Malamig.
Kabilang din sa ilan pang magsasaka na nabigyan ng pagkilala sina:
| IN-BRED CATEGORY | |||
| Magsasaka | Barangay | Klase ng Palay na Itinanim | Dami ng Ani (cav/ha) |
| 1. Zoilo M. Perez | Sta. Isabel | PSB Rc-18 | 149.19 |
| 2. Cresenciano M. Luzon | Comunal | Vietnam Rice | 123.0 |
| 3. Potenciano C. Abel | Masipit | NSIC Rc-160 | 109.4 |
| 4. Levi T. Sampaga | Puting-tubig | ||
| 5. Cirilo C. delos Reyes | Masipit | ||
| 6. Roberto D. Abrigo | Sta. Isabel | ||
| 7. Oligario Dalisay | Sta. Rita | ||
| 8. Albino Bahio | Nag-iba I | ||
| HYBRID CATEGORY | |||
| Magsasaka | Barangay | Klase ng Palay na Itinanim | Dami ng Ani (cav/ha) |
| 1. Sergio A. Enriquez | Personas | SL-8H | 154.29 |
| 2. Cresenciano M. Luzon | Comunal | Bigante | 150.32 |
| 3. Wilfredo T. Garejo | Baruyan | SL-8H | 148.4 |
| 4. Roberto D. Abrigo | Sta. Isabel | SL-8H | 142.46 |
| 5. Rhiza O. Manalo | Guinobatan | Pioneer | 137.0 |
| 6. Alfredo M. Morales | Sapul | TH 82 | 133.46 |
| 7. Virgilio R. Pantoja | Masipit | SL-8H | 117.6 |
| 8. Elpidio D. Cuasay | Balingayan | SL-8H | 109.12 |
Tatlumpung-libong piso ang matatanggap ng nagkamit ng unang parangal sa nasabing paligsahan. Mabibigyan naman ng dalawampung-libong piso at sampung-libong piso ang nakakuha ng ikalawa at ikatlong parangal.
Ayon kay City Mayor Doy C. Leachon, isa sa mga pangunahing pagtutuunan ng pansin ng kaniyang administrasyon ang pagpapaunlad ng Agro-tourism sa Discipline City. Dagdag pa niya, alinsunod sa planong ito ang pagkakaroon ng mga ganitong klase ng patimpalak para sa mga magsasakang Calapeño.
Buo naman ang suporta ni Calapan City Vice Mayor Jojo S. Perez sa nasabing proyekto na nagsimula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon hanggang ngayong Abril taong 2011.



Tags: Agro-tourism, Discipline City, Green Calapan



