Oriental Mindoro, pinakamagandang lugar sa Pilipinas

POSTED: Sunday, May 1st, 2011

Para sa prinsipe ng Saudi Arabia

CALAPAN CITY – Ang Oriental Mindoro ang pinakamagandang lugar sa buong Pilipinas kung pagbabatayan ang magaganda nitong likas na kayamanan.

Ito ang naging pagtaya ni Prince Abdul Rahman Hin Talal bin Abdul-Aziz Al Saud, ang prinsipe ng bansang Saudi Arabia, nang bumisita ito kamakailan dito sa Oriental Mindoro.

Ayon sa nasabing prinsipe, na anak ng kasalukuyang lider ng monarkiya sa Saudi Arabia na si King Abdullah bin Abdul-Aziz, dahil sa angking yaman ng lalawigan at sa mga nasaksihan niyang magagandang tanawin dito, maituturing niya na ang Oriental Mindoro ang pinakamagandang lugar sa bansa na kanya nang nabisita.

Dumalaw si Prinsipe Rahman sa lalawigan bilang pagpapaunlak sa anyaya ni First District Congressman Rodolfo G. Valencia upang makita at mapag-aralan ang mga posibleng oportunidad na pang-negosyo o gawaing maaaring ilagak sa Oriental Mindoro, na bahagi naman ng programang Oriental Mindoro Investment (Orminvest).

Sa naturang pagbisita dito kasama si Congressman Valencia at K4 President Nico P. Valencia, nagsagawa ang prinsipe ng isang ocular inspection o pag-inspeksyon sa kabuuan ng Oriental Mindoro sakay ng helicopter lalo na sa may bahaging Naujan Lake, na sumasakop sa mga bayan ng Naujan, Victoria, Socorro at Pola.

Sa lungsod na ito sa loob ng Orminvest briefing room, ipinakita rin ng kongresista ang mgamasterplan ng lalawigan, lalo na sa may bahagi ng unang distrito ng Oriental Mindoro, at pati ang mga nakalatag o naka-programa nang gawaing pangkaunlaran at iba pang mga proyekto na planong ipatupad dito partikular sa may aspeto ng agrikultura, power and energy, at turismo.

Sa naging pagpupulong, na kasama rin ang ilang piling tauhan ng congressional district office at RGV Group, nalaman na plano ng prinsipe, sa pamamagitan ng pamahalaan ng Saudi Arabia at mga pribadong kumpanyang pagma-may-ari nito, na maglagak ng puhunan o mga proyektong may kinalaman nga sa agrikultura, turismo at elektrisidad.

Nabanggit din dito ng British consultant ng prinsipe na si David Mills na sayang ang malaking potensyal ng Mindoro kung hindi ito mabibigyan ng pagkakataon ng pamahalaan, katuwang pribadong sektor, na linangin para sa kapakinabangan ng lahat ang mga likas na yaman dito.  (JRM)

Tags: , , ,

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*