No Smoking Sa Kapitolyo Mahigpit Nang Ipatutupad
Upang itaguyod ang Smoke-Free Environment, mahigpit na ipatutupad ngayon ang No Smoking Policy sa Kapitolyo.
Sa regular na flag raising ceremony sa Provincial Capitol, sinabi ni Executive Assistant IV Dr. Marpheo E. Marasigan na sa pamunuan ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. ay mahigpit ngayong ipatutupad ang Civil Service Commission Memorandum Circular No. 17, Series of 2009 na “Smoking Prohibition based on 100% Smoke-Free Environment Policy.” Legal na basehan nito ang Tobacoo Regulation Act of 2003 o Republic Act 9211 at ng Framework Convention on Tobacco Control ng World Health Organization.
Ayon kay Dr. Marasigan, gagawing No Smoking areas ang lahat ng tanggapan sa Kapitolyo at magtatalaga ng ilan lamang smoking areas sa open spaces sa capitol grounds na malayo sa mga opisina.
Ipinaliwanag ni Dr. Marasigan na ang paghihigpit sa paninigarilyo sa Kapitolyo ay upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga kawani at upang maprotektahan maging ang mga hindi naninigarilyo sa mas panganib na second-hand smoking.
“Dapat ang lahat ng opisina ay walang ash trays,” ayon pa kay Dr. Marasigan.
Sinabi rin niya na hihilingin ng pamunuan ni Gobernador Umali ang pagpapasa ng Sangguniang Panlalawigan ng isang ordinansa upang higit na maipatupad ang polisiya. Matatandaang may naipasa nang ordinansa ang SP hinggil sa pagbabawal naman ng pagbebenta ng sigarilyo sa mga menor de edad.
Si Dr. Marasigan, kasama ang ibang mga kinatawan ng pamahalaang panlalawigan, ay dumalo sa tatlong araw na seminar-workshop sa Tagaytay para sa mga lokal na pamahalaan ng Region IV-B upang bumuo ng plan of activities sa implementasyon at pagpapatupad ng tobacco control measures na gumagamit ng MPOWER framework. Ang MPOWER ay Monitor tobacco use and prevention policies; Protect people from tobacco smoke; Offer help to quit tobacco use; Warn about dangers of tobacco; Enforce bans on tobacco advertising, promotion and sponsorhip; at Raise taxes on tobacco products. (Provincial Information Office)
Tags: oriental mindoro, Sanguniang Panlalawigan, smoking policy



