Bukas na Liham sa Sangguniang Panlalawigan ng Oriental Mindoro lalo na kina:

POSTED: Friday, August 6th, 2010

Kgg. FERDINAND THOMAS SOLLER
Chairman
Committee on Transportation
Sangguniang Panlalawigan
Kgg. ROBERT L. CONCEPCION
Chairman
Committee on Agriculture
Sangguniang Panlalawigan

Mahal naming Sangguniang Panlalawigan:

Isang magandang araw ang aming ipinaaabot sa inyo.

Idinudulog po namin sa inyo ang aming hinaing kaugnay ng kasalukuyang kalakaran o sistema sa ating pantalan (pier) sa siyudad ng Calapan.

Palagi na lang po na sa tuwing magluluwas kami ng aming mga kalakal o mga produktong gulay at prutas gaya ng rambutan, durian, sintoris, kalamansi, saging at iba pang mga ganitong uri ng produktong madaling mabulok, sakay sa mga pambiyaheng dyip at pick-up, hindi po kami nabibigyan ng kaukulang atensyon ng mga namamahala sa ating pier sa Calapan.

Bagama’t kami ay sumusunod sa tamang kalakaran gaya ng pagpila ng mga sasakyan at pagtubos ng mga tiket na binayaran, inuuna at pinapasingit po ng mga namamahalang arrastre sa nasabing terminal o pier para makasakay sa barko ang mga malalaking pampasaherong bus at mga malalaking sasakyang pangkargamentong nanggaling sa mga bayan sa Visayas at Mindanao, sa halip na ‘yung mga sasakyan naming nauna o maaga pang nakapila doon.

Ang ikinakatwiran po ng arrastre doon ay dahil sa ang daanan daw po natin dito sa Oriental Mindoro ay bahagi ng Strong Republic Nautical Highway kaya kailangang mauna ang mga nagyayao’t parito sa Visayas at Mindanao kaysa sa mga taga-Mindoro.  Ang nautical highway po ba natin ay para lang po sa mga taga-Bisaya at Mindanao at hindi po sa mga taga-Mindoro?

Dapat po nating malamang lahat na kami pong mga biyahero at mga magsasaka dito sa Oriental Mindoro ay nagbabayad naman po ng tama at dapat na buwis, sumusunod sa lahat ng batas pambiyahe at sa tingin po namin, ay may karapatan sa lahat ng serbisyo sa pier ng Oriental Mindoro at pagsakay sa mga barkong bumibiyahe.  Ipinapaalala din po namin na ang mga prutas, gulay at kahalintulad na kalakal ay may panahong sinusunod para sa pagbiyahe dahil ang mga ito ay madaling nabubulok o nasisira sa oras na ito ay mabalam nang matagal sa biyahe.

At dahil po dito, kapag patuloy na mangyayari ang ganitong sistema sa pier ng Calapan ay malulugi po nang malaki kaming mga magsasaka dito sa Mindoro sa aming mga hanapbuhay, na siya lang po naming paraan para mabuhay.  At sa kabuuan po, malaki ang mawawalang kita at kabuhayan sa buong lalawigan nating Oriental Mindoro gawa nito.

Humihiling po kami sa kinauukulan, partikular po sa inyo na aming mga kinatawan sa pamahalaan, na ito ay bigyan ng atensyon at tulungan po kami sa kalagayan naming ito.  Ngayon lamang po sana makakabawi ang ating lalawigan mula sa sunud-sunod na nagdaang kalamidad na ating inabot na nagdulot ng malakihang pagkasira sa ating mga pananim o agrikultura.  Sa nangyayari po sa pier sa Calapan, hindi po tayo mabibigyan ng pagkakataong makabawi sa ating kabuhayan.

Hinihiling po namin na sa pamamagitan ninyo, atasan ang mga namamahala sa ating pier gaya ng Philippine Ports Authority, Philippine Coast Guard at arrastre na bigyan po kaming mga magsasakang nagbibiyahe ng mga kalakal nang patas na pagkakataon sa pagbiyahe at pagsakay sa mga barko, kahit po hanggang sa Oktubre lang ng taong ito.

Ang kahilingan pong ito ay ipinapaabot po namin sa inyo na mabigyan nang agarang solusyon.  Umaasa po kami sa inyo mahal naming Sangguniang Panlalawigan.  Kalakip po nito ang aming mga lagda bilang katibayan ng aming pagdulog sa inyo.

Marami pong salamat.

Lubos na gumagalang,

MGA MAGSASAKA AT BIYAHERO SA ORIENTAL MINDORO

Agosto 2, 2010

Tags: ,

Share

Comments (2)

 

  1. Art Catapang says:

    Ang reality ng ating kultura ay yong malalaki, bigatin, nasa poder at mas malaki ang maiibigay ang hinihila sa unahan ng pila; yong maliliit, magaang ,pobre at walang sinasabi ay sa huli ng pila. Paminsan-minsan ay may pinauuna kahit walang sinasabi–ito ay miraculo lamang!..Tsk . tsk.tsk…
    Good Luck …wika nga. The worst that can happen to your panawagan ay… they will say NO.

  2. greg ramos says:

    wow heavy to!…ang mga biyahero at magsasaka DAW samulat pa sa mga pulitiko para sila naman ang MAUNA sa PILA sa pagsakay sa barko..hinde ba first come first serve dapat ang sestema..kung sinong naunang dumating sa pier sya ang dapat unang ring makasakay ng barko…kung nauunahan kayong dumating ng mga BUS sa pier..kayo ang may problema mga biyahero at magsasaka KUNO..pueding makupad kayo kumilos….unfair naman na kumo magsasaka kayo at biyahero at taga mindoro ay kayo ang unang makasakay ng barko maski huli na kayong dumating sa pier..thats unfair men…tandaan nyong ang mga BUS at mga PASAHERO ay naghahanapbuhay ding tulad nyo at ang marame sa kanila ay mga TAX PAYER ng bansang ito ..iwan ko kayo?..maling ugali na kumo taga mindoro ka,biyahero at magsasaka ay ikaw na ang bida sa pier..ako’y isang mindorenong tulad nyo rin pero hinde ako papabor sa inyong sentemyento…mindoreno o hinde parehopareho tayong pilipino..at dapat na makakuha ng pantay pantay nas erbisyo!salamat po.

Leave a Reply

Connect with Facebook

*