BAKIT MAS MURA ANG IMPORTED NA BIGAS?

POSTED: Friday, August 6th, 2010

Bumabaha ang imported na agricultural products sa ating pamilihan katulad ng sibuyas, bawang, bigat at maging ng ilang uri ng gulay.  Umaangal ang mga magsasaka sapagkat higit na mababa ang presyo ng mga imported na produkto kumpara sa mga lokal na produkto natin.  Dahil dito ay madalas na nalulugi ang ating mga magsasaka.

Nagpuputok ang butsi ng mga makabayan at makakaliwang grupo.  Ang ganito raw na gawain ay pumapatay sa mga kapatid nating magsasaka. Tama naman!

Subalit ang solusyon sa problemang ito ay hindi ang pagpigil sa pang-angkat ng mga “agricultural products” lalo na ang bigas.

Aminado ang Department of Agriculture na hindi maaaring hindi tayo aangkat ng bigas mula sa mga karatig nating bansa.  Kaya nga dapat mag-isip ng solusyon hindi lamang ang gobyerno, kundi ang mga pumuputak na  mga aktibistang magsasaka.

Kahit pigilan natin ang pagpasok ng mga produktong dayuhan ay hindi pa rin malulutas ang tunay na ugat ng problema ng mga magsasaka.

Bababa ba ang halaga ng abono at gamot kung hindi tayo aangkat ng bigas?  Sa halip lalong maghihirap ang nakararaming mamamayan dahil mawawalan sila ng alternatibong pagkukunan ng murang bigas. Hindi naman kayo magbababa ng presyo ng inyong bigas dahil nga mahal ang  ginastos ninyo sa inyong pagsasaka.

Bakit nga ba mahal ang bigas natin kumpara sa bigas ng Thailand, Taiwan, Indonesia at Vietnam?

Dahil sa mga bansang ito ay ipinamimigay lamang ng gobyerno ang abono na ginagamit nila sa pagsasaka. Samantalang dito sa Pilipinas ay inuutang ng mga magsasaka ang abono nilang ginagamit na sobrang mahal ang halaga. Bakit? Dahil ang abono nating ginagamit ay inaangkat din galling sa ibang bansa.

Bakit ba kayang mamigay ng mga bansang ito ng abono sa kanilang mga magsasaka? At saan ba nanggagaling ang abono nilang ginagamit?

Mura ang abono sa mga bansang ito dahil ang abono nilang ginagamit ay “by-product” lamang ng mga minahan sa kanilang bansa. Ibig sabihin ito po ang sinasabi ninyong basura sa mga minahan.

‘Yan ang hindi alam ng marami nating mga magsasaka.  Kung ang Mindoro Nickel Project ng INTEX na inyong tinututulan ay sakaling mabuksan ay tinatayang 1,440 tonelada hanggang 300,000 tonelada kada taon ang lilikhain nitong ammonium sulfate na pangunahing abono na ginagamit na pataba ng ating mga magsasaka.

Ito ang dapat na ikonsidera ng mga taong nagngangalit ang bagang sa pagpasok ng imported agricultural products pati na rin ang pagpasok ng industriya ng pagmimina.

Maaari lamang makipagsabayan sa pandaigdigang kalakalan ang presyo ng ating bigas pati na rin ang iba pang produktong agrikultural kung magkakaroon tayo ng produksiyon ng abono.

Kung hindi mangyayari na tayo mismo ang gagawa ng sarili nating abono ay imposibleng malutas natin ang problema natin sa pagsasaka.

Agrikultura pa rin ang sigaw ng bayan, subalit nagdudumilat sa atin ang katotohanan na sa bansang ito kung sino ang magsasaka ay siya ang nagugutom.  At sa ganitong kalagayan, sinong batang Pilipino ang mangangarap na maging magsasaka?

Tags: , ,

Share

Leave a Reply

Connect with Facebook

*